Rio gumawa ng pinaka-mahirap na role

Magbibida si Rio Locsin sa online mini-series na Kargo. Mapapanood ito sa iWant simula October 11. Para sa aktres ay ito na marahil ang pinakamahirap na ginawa niya sa isang proyekto. “First time ko itong ginawa. Driver ako, pero hindi taxi driver. Pangalawa, medyo mabigat ‘yung tema niya. Tapos lola ako ng isang bata rito, dalagita. Tapos may nangyari at kung paano namin na-solve ‘yung nangyari. Exciting ito,” nakangiting pahayag ni Rio.

Hindi raw inakala ng beteranang aktres na magagawa niya nang maayos ang karakter sa bagong serye. “Tinanong ko, ‘Seryoso ba kayo sa ipapagawa n’yo sa akin dito?’ ‘Opo, alam namin na babagay sa inyo.’ ‘Talaga?’ Nakaka-challenge naman, sige, talagang naiiba. Siguro maging mga anak ko magugulat na ginawa ko ito. Pero kailan ko pa gagawin kung hindi ngayon,” kwento niya.

Tiyak na kapupulutan ng aral ng bawat miyembro ng pamilya ang makakapanood ng nasabing series ayon kay Rio. “Kahit na siguro may problema kayo sa pamilya, pero ‘yung pagmamahal hindi dapat mawawala. ‘Yung pagpapatawad hindi rin mawawala,” pagtatapos ng aktres.

Jerome, open na sa pagpapa-sexy

Kinabahan daw ang kasintahan ni Jerome Ponce na si Mika Reyes dahil sa pagganap ng aktor bilang isang bading sa pelikulang Ang Henerasyong Sumuko Sa Love. Mahigit tatlong taon nang magkasintahan ang aktor at ang volleyball player ngayon. “Kinabahan lang siya para sa akin kung kakayanin ko ba. Nagulat siya pero sabi niya kaya naman kasi actor ako. Pero tinanong niya agad ano ba mga gagawin mo diyan. So sinabi ko naman and it turned out na okay naman siya. Proud naman siya sa lahat ng mga ginagawa ko and I’m really, really happy for that. Proud din ako na gano’n siya, pinapanood niya. Sinasabi niya sa akin na proud siya sa mga ginagawa ko,” paglalahad ni Jerome.

Aminado naman ang aktor na talagang nahirapan siya sa mga eksena lalo na’t nagpaseksi kasama ang isang kapwa lalaki. “Pinakamahirap talaga ‘yung sa shower at saka kotse scenes, ilang ako. Nakakailang talaga,” giit niya.

Dahil sa magagandang feedback na naririnig ni Jerome tungkol sa kanyang pagganap bilang bading ay posibleng tumanggap muli ang binata ng gay roles sa mga susunod na proyekto. “Tingnan natin, oo, bakit hindi? Gusto ko rin siyempre makita ‘yung reaksyon ng mga tao. Kung pwede ko ipakita sa industriya ‘yung portrayal ng buhay ng isang tao,” paliwanag ng aktor.

Nakahanda na rin si Jerome na tumanggap ng mga mapangahas pang role o magpaseksi pa lalo sa mga susunod na pelikula. “Open na ako siyempre. Ilang taon na rin naman ako, okay lang sa akin, character ang target ko. More on sa teleseryes, napapansin n’yo puro drama,” pagtatapos ng binata.

(Reports from JCC)

Show comments