Sexy actress sagad hanggang bahay ang pagiging kontrabida

Unti-unti nang naglalabasan ang mga kuwento tungkol sa paghihiwalay ng isang showbiz couple. Mas malaki ang pangalan ng babae kesa sa lalaki.

Maraming nakarelasyong kilalang aktor ang female perso­nality, pero ang naka-live-in niya ay hindi masyadong popular, pero nagkaroon sila ng anak.

Kuwento ng aming source, “Naalala n’yo pa ba nu’ng karelasyon ng girl na ito ang isang male personality na maga­ling sumayaw? Di ba, ayaw sa kanya ng family ng guy?

“Kasi nga, parang kakumpetensiya niya ang turing niya sa pamilya nu’ng lalaki, ayaw niyang pinauuwi ang partner niya, nagagalit siya, alangan namang hindi man lang dalawin nu’ng guy ang mommy niya?

“Matindi ang insecurity ng babaeng ‘yun! Lahat na lang, e, itinutu­ring niyang kalaban!” paalala ng aming impormante.

Nu’ng magkasama pa sila ng ama ng kanyang anak ay hindi kinakaya ng lalaki ang pagiging maldita ng female personality. Sobra-sobra itong nasasaktan.

“Dahil siya nga ang bigger star, natural, ang tingin niya sa kanyang sarili, e, siya dapat ang nasusunod sa relasyon nila! Hindi siya nagpapatalo sa kahit anong argumento nila!

“Parang naiimadyin na nga namin ang itsura ng girl habang nagtatalo sila ng partner niya, napakagaling niyang magkontrabida, di ba?

“Ang sarap-sarap kaya niyang pitikin sa ilong sa husay niyang magkontrabida! Kaya ang guy, sa palaging pagtatalak ng girl, hindi na niya kinaya ang lahat! Nakipaghiwalay na siya!

“Ikaw ba naman ang lalaki, porke ba bigger star ang karelasyon mo, e, papayag ka nang basta ganu’nin na lang ng babae? ‘Yung parang wala ka nang nagagawa at siya lang ang nagdadala ng pamilya n’yo?

“Aba, wala talagang makatatagal sa kanya! Dala-dala pa rin pala niya sa totoong buhay ang pagiging kontrabida niya?

“Sige na, sexy na siya, maganda na siya, kilala na siya, pero dapat, e, hindi niya ‘yun pinaiiral kapag wala na siya sa harap ng mga camera!

“Naku, napakalayo ng ugali ng babaeng ‘yun sa sister niya! Pareho lang silang hindi masuwerte sa lovelife, pero mabait ang sister niya!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

General’s ni Angel tiyak hahanap-hanapin

Sa pagtatapos ng seryeng The General’s Daughter ay magbabago na ang geyograpiya sa gabi ng maraming Pinoy na nasanay nang tumutok sa serye.

Paminsan-minsan lang tayong nabibigyan ng palabas na alam mong kinakarir ng mga bumibidang artista ang kanilang trabaho. Alam mong iniingatan ng mga sumusulat ng script ang daloy ng kuwento.

At alam mong bantay-sarado ang direktor sa bawat eksenang napapanood natin. Paminsan-minsan lang ‘yun, hindi madalas mangyari sa mundo ng telebisyon ang ganu’ng uri ng palabas, kaya siguradong maninibago ang manonood kapag natapos na ngayong gabi ang The General’s Daughter.

Sa video ng pasasalamat ng mga artistang nagbigay-pugay sa kani-kanyang makabuluhang papel sa serye ay ramdam ang lungkot sa kanilang pamamaalam.

Lalo na sina Angel Locsin at Arjo Atayde, napaluha pa nga ang magaling na aktor, sino nga ba naman kasi ang makalilimot kay Elai na special child ng Diamond Star na si Maricel Soriano sa serye?

Wala kang itatapon sa mga artistang gumanap sa The General’s Daughter. Angel Locsin, Maricel Soriano, Albert Martinez, Arjo Atayde, Janice de Belen, Eula Valdez, Paulo Avelino, JC de Vera, Ryza Cenon, at ang napakahusay na si Tirso Cruz III bilang si Tiago.

Kahit sina Ronnie Alonte at Loisa Andalio at ang iba pang mga personalidad na hindi masyadong natututukan ng mga camera ay nagpakitang-gilas din.

Mami-miss namin ang serye, hahanap-hanapin namin ang mga tagpong makapigil-hininga, ang trabahong pinaghirapan ay talagang tumatatak sa isip ng mga Pinoy.

Tututukan na ngayon ni Angel Locsin ang kanyang nalalapit na pagpapakasal kay Neil Arce. Hindi naman sila nagmamadali pero siguradong ang gusto ng aktres ay siya ang tututok sa lahat ng mga detalye ng pagharap nila ng negos­yante sa altar.

Show comments