Derek walang pinalalampas na basher

Derek Ramsay

Patola king?

Dapat siguro payuhan na si Derek Ramsay na huwag na munang magpapatol sa mga komento ng mga basher.

Kahit sa mga ipinu-post niya sa kanyang Instagram account, talagang sinasagot niya ang mga komentong ‘di maganda.

Kung binabantayan niya ang mga negative comments at pinagkaabalahan niya itong sagutin, sana sinasagot na rin niya ang mga positive comments, kahit pasalamatan man lang.

Si Kris Aquino na mapagpatol sa mga basher, bini­bigyan din niya ng panahong pasalamatan at sagutin ang mga magagandang komento sa ipinu-post niya.

Nagpasalamat naman si Derek sa IG post ni Manay Lolit Solis, pero sinagot din niya ang mga ilang bashers na nagsasabing hindi pa siya puwedeng magpakasal. Pinabulaanan niya ito.

Pati ang nagkomentong ipakilala niya si Andrea sa anak niyang nakabase doon sa Dubai, kinorek din niyang sa kanya na nakatira sa Pilipinas ang kanyang anak.

Pati ang nagkomentong ikinumpara siya kay Gerald Anderson, pinatulan din ito at sinabi pang gusto niya itong makilala nang personal.

Kaya nga sa mensahe niya sa IG post kay Manay Lolit na nagpasalamat siya sa magandang sinabi nito tungkol sa kanila ni Andrea, nagbigay din siya ng mensahe sa mga bashers.

Sabi niya; “To all the bashers out there who think they know me and Andrea pls introduce yourselves first to both of us sp next time you cmment it’s not all based on what you think but what you know. If ayaw nyo it’s ok and continue with what you do basta if makes you happy. Take care everyone.”

Siguro naman napayuhan na rin naman si Derek na mas mabuting i-off na niya ang comment section sa IG account niya para hindi na siya maabala sa kasasagot sa mga di magaganda at maling komentong natatanggap niya.

Ang isa pa sana sa gusto naming sagutin ni Derek ay kung ano ang susunod niyang gagawin sa GMA 7.

Totoo bang medyo matatagalan pa bago siya gumawa ng kasunod na drama series?

Regine tatlo-tatlong pelikula ang ginagawa

Si Regine Velasquez na aligaga pa sa preparasyon ng Iconic concert nila ni Sharon Cuneta sa October 18 at 19 ay sinisingit pa pala sa schedule niya ang indie film na pinagbibidahan niya para sa Cinema One Originals.

Ito ‘yung Yours Truly, Shirley na sinulat at dinirek ni Nigel Santos.

Sabi ni Regine, parang nabudol daw siya kaya napapayag siyang bumalik sa pag-arte.

Pero maganda raw ang kuwento at nagustuhan niya ang project, kaya ginawa niya ito.

Kaya lang, parang gusto na raw sana niyang mag back-out.

Sabi ni Regine, nai-stress daw siya mag-pelikula kaya parang gusto na niyang umatras.

 “I haven’t acted in awhile. Kaya sabi ko kay Cacai kung puwede pa mag-back-out. Sabi niya ‘gaga!”

Pero wala naman siyang magawa kundi ituloy kaya kailangan niyang tapusin.

Bukod sa pelikula niyang ginawa, nag-guest din siya sa pelikula ni Sarah Geronimo na Unforgettable.

Pati nga sa pelikula nina Vice Ganda at Anne Curtis na pang-MMFF, nag-guest din siya.

Puwede na nga raw siyang sabihing pambansang guest.

“Oo ako na nga talaga. Pambansang guest, pambansang ninang, ako na talaga,” natatawa niyang kuwento.

Sa ngayon ay puspusan ang rehearsal at paghahanda niya sa kanilang Iconic concert ni Sharon na gaganapin sa Araneta Coliseum sa October 18 at 19.

More on mga duet daw sila ni Mega, at may pa-surprise pa raw siya kung paano raw siya naging fan ni Sharon. With matching pa-sampaguita pa raw.

Show comments