Male personality ayaw makarinig ng masaya sa set!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 22, 2019 - 12:00am

Manghang-mangha ang magkakaumpukang personalidad habang nagkukuwento ang isang source tungkol sa pagi­ging mainitin ng ulo ng male personality na bumibida sa kanilang serye.

Walang makapagsalita, hanggang sa pakikinig lang ang nagawa ng magkakaumpukan, halos hindi sila makapaniwala sa mga kuwentong naririnig nila tungkol sa lalaking personalidad.

May dumating pang dalawang impormante, tatlo na ang nagkukuwento tungkol sa kakaibang ugali ng male personality, kapag tatlo na o higit pa ang nagpapatunay na ganu’n nga ang ugali ng male personality ay kapani-paniwala na ang mga senaryo.

Kuwento ng unang source, “Gusto kasi niyang kunin ang lahat ng kredito. Siya na ang bida, siya pa ang direktor, siya pa rin ang scriptwriter. Gusto niyang pakyawin ang lahat ng papel sa shooting.

“Napakatindi niyang magalit, wala siyang sinasanto, kahit ang mga artistang di hamak na mas may maipagmamalaki kesa sa kanya, e, nakakaargumento niya sa mga eksena.

“Kunwari, hindi na makatotohanan ang gusto niyang mangyari, natural lang na may magsa-suggest ng mas believable na eksena, di ba? Naku, hindi niya ‘yun pakikinggan!

“Hindi siya magpapatalo! Kailangang ‘yung gusto niya ang masunod! Ano pa ang laban mo kapag nagtataas na ng boses ang male personality dahil may bumabaril sa eksenang gusto niyang mangyari?

“Pikon ang lolo n’yo! Napakalayo ng ugali niya sa itsura niya! Kung titingnan mo lang siya, e, parang ni hindi niya kayang pumitik ng kahit langgam, pero matindi siya!” kuwento ng unang source.

Kapag break na nila sa shoot ay ayaw niyang nakakakita ng mga staff at crew na magkakaumpukan at nagtatawanan. Hindi raw comedy bar ang location.

“Kung ayaw niyang mag-enjoy kapag break, e, problema na niya ‘yun! Pero huwag niyang pinakikialaman ang mga taong gusto namang makahinga mula sa maghapon nilang pagtatrabaho!

“Kung gusto niyang gugulin pati ang break nila sa pag-iisip ng mga bagong konsepto para sa serye, e, bahala siya sa buhay niya! Gusto niyang magpabibo, goooo!!!!

“Pero huwag niyang pinakikialaman ang mga taong nagsasaya, ang mga kasamahan niyang nagkukuwentuhan. Masyado siyang makasarili! Hindi lang nagsasalita ang mga kasamahan niya, pero naku!

“Kapag naglaho na ang kinang ng bituin ng lalaking ‘yun, ang dami-daming mapapailing na lang! Sobra na kasi siya, umakyat na ang hangin sa ulo niya! Ililigaw ka ng itsura niya!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Isko game ibigay ang posisyon pag hindi nagawa ang pangarap sa Maynila

Mas maganda ‘yung hindi pinlano. Mas kaswal ang dating ng pagtatagpo kapag walang gumigitna. Ganu’n ang nangyari sa pagitan namin ni Mayor Isko Moreno nu’ng nakaraang Lunes nang hapon sa bakuran ng TV5.

May isang lugar sa ikalawang palapag ng gusali ng network kung saan nagkikita-kita ang mga empleyado para magkuwentuhan na may kasahog na pagpapausok.

Unang nakita ni Mayor Isko Moreno ang aming PA na si Tina Roa, ang tanong niya agad, “Si Nanay?” Maya-maya ay nakita na naming lumalapit sa amin ang isang nangayayat pero makisig pa ring bagong halal na ama ng lunsod ng Maynila.

Hindi lang beso ang iginawad niya sa amin, may kasama pang sinserong yakap at pagtapik ‘yun sa aming balikat, du’n pa lang ay tinunaw na niya ang aming puso.

Alam niya na nu’ng panahon ng kampanya ay pinipitik namin siya. Utang na loob ang sentro ng aming pagpuna sa kanya, nakararating kasi sa amin ang mga bira niya laban kay Pangulong-Mayor Erap Estrada, at sa aming opinyon ay hindi ‘yun maganda sa panlasa.

Pero hindi namin menenos ang kanyang kapasidad bilang pulitiko, hindi namin sinaling minsan man ang kakayahan niyang pamunuan ang Maynila, sa punto ng utang na loob lang namin siya binatikos.

Nagpaliwanag sa amin ang bagong mayor ng lunsod, detalyado ‘yun na napakadaling unawain, kinakitaan namin ng punto ang aktor-pulitiko kung bakit siya nadesisyong kalabanin ang kanyang dating mayor.

Para lumambot ang aming pagtatagpo ay nauwi ang aming kuwentuhan sa unang-una niyang pagdalaw sa amin sa Mariposa Publications kasama ang kanyang manager at anak-anakan naming si Daddie Wowie Rojas.

Binalikan namin ang pagkadiskubre sa kanya ni Daddie Wowie sa burol ng kapitbahay nilang si Aling Nita. Ang kuwento niya na kapag may pera sila ay isda at karne ang kanilang ulam pero kung wala ay ang fried chicken na pinupulot niya mula sa black bag ng mga food chain ang muli nilang ipiniprito mula umaga hanggang hapunan.

Ay, ang dami-dami naming kuwentong binalikan ni Mayor Isko Moreno na ang istorya ng buhay ay pagkakulay-kulay, napakasarap balik-balikan.

Isang linya ang binitiwan sa amin ni Mayor Isko Moreno bago kami maghiwalay, ang kanyang sinserong sabi, “Kapag nabigo ako sa mga pangarap ko para sa Maynila, hindi ko na hihintayin pa ang paglubog ng araw.

“Dapithapon pa lang, tatanggapin ko na ang reyalidad, aatras na ako,” walang kakurap-kurap ng mga matang litanya ni Mayor Isko Moreno.

ISKO MORENO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with