Aktres nagdusa sa mga ginawa nang ex na alaga!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 17, 2019 - 12:00am

May hangganan ang pang-unawa at pasensiya. Ganun ang naganap sa napakahabang pagtitiis na pinagdaanan ng isang pamosong female personality para lang matulungan ang isang grupong akala niya’y magi­ging maayos na katrabaho.

Namuhunan siya ng pangalan, ng pera at panahon, binaligtad niya ang mundo para lang mabigyan ng mas magandang career ang grupong pinili niyang pamahalaan pero nabigo siya.

Kuwento ng aming source, “Ilang chances pa ang ibinigay niya sa grupo, hindi naman siya agad bumitiw, pinahaba pa niya nang todo ang pasensiya niya

“Pero palagi siyang napapahiya. Tatanggap siya ng trabaho para sa tropa, pero may hindi dumara­ting. Paano sila magpe-perform kung bungi-bungi naman ang grupo nila?

“Iba-iba ang ibinibigay nilang dahilan. May isang nagsasabing may emergency kuno sa kanilang pamilya. Meron naming nagdadahilang maysakit. Meron ding nagsasabing wala raw kasi siya sa mood para magtrabaho!

“Sino naman ang makakaunawa sa ganu’ng klase ng mga katwiran? Gusto nilang magkaroon ng trabaho, pero wala naman pala sila sa mood na gumalaw, ano ‘yun?” simulang rebelasyon ng aming impormante.

Nu’n pa pinagpayuhan ng kanyang mga kaibigan at kapwa artista ang kilalang female perso­nality para bitiwan na ang pagma-manage sa grupo. Pero nakikipagsuntukan sa buwan ang babaeng personalidad, baka raw naman magbago pa ang tropa, pero wala pa ring nangyari.

Patuloy ng aming source, “Naku, pati ang mga anak niya, e, matagal nang nagsasabi na dapat na niyang iwan ang grupong yun dahil nasasayang lang ang panahon niya. Lugar na ipagpapahinga na niya ang oras, e, napupunta pa sa grupong ‘yun na wala namang disiplina.

“Pero sige pa rin sa kaaasa ang girl na baka naman biglang magising sa katotohanan ang tropa at magbago na. Pero napanghal na siya sa kahihintay sa pagkakataong ‘yun, wala pa rin!

“Sa isang probinsiya, e, inimbitahan ang grupo. Bayad sila, maganda ang talent fee na nakuha ng female personality para sa kanila. Alas nuwebe nang gabi ang dapat nilang pag-akyat sa stage, pero alas onse na, e, hindi pa rin nag-uumpisa ang show!

“Ang dahilan, nasa bahay pa pala ang dalawang members, nakatulog daw, nu’n lang daw nila naalala na meron pala silang provincial show!

“’Yun na! Du’n pa lang naisip ng female personality na tama na, ayaw na niya, sariling career na lang niya ang tututukan niya!

“Ex alaga na lang niya ngayon ang grupo, ex na ex na, as in, binura na niya sa listahan ng mga pagmamalasakitan niya!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Bong pinag-iinitan ng mga inggitero

Pana-panahon lang talaga ang kapalaran sa mundo ng pulitika. Mismong si dating Pangulong-Mayor Erap Estrada ang nagsabi ng linyang weather-weather lang ‘yan.

Kung gaano kaligaya at nagbubunyi ngayon ang pamilya Revilla dahil lahat ng kumandidato sa kanilang angkan ay nagwagi (wala nang tinag sa number 10 si Senador Bong Revilla) ay balot naman ng kalungktan ngayon ang pamilya Estrada sa kinahinatnan ng kanilang laban.

Mula sa ulo hanggang sa apo ay nabigo ang pamilya. May nakalusot man ay hindi ganu’n ang kanilang inaasintang resulta. Pero muli, hindi kailangang huminto ang ikot ng kanilang mundo dahil sa pagkabigo, tuloy pa rin ang buhay.

Nalulungkot lang kami sa mga personalidad na kung makapang-alipusta ngayon kay Senador Bong Revilla ay akala mo wala nang bukas. Kahit man lang sana sa pagrespeto sa iisang industriyang kinabibilangan nila ay huwag nang manakit pa ang mga artistang ito.

Isang araw lang ang pulitika pero ang industriya ng lokal na aliwan ay pala­ging nand’yan. Ewan kung ano ang galit ng mga taong ito kay Senador Bong at tinatawag nilang bobo ang mga naglaan ng suporta sa aktor-pulitiko.

Katatalino pala ng tingin nila sa kanilang mga sarili, di sila ang pumalaot sa mundo ng pulitika, para matikman naman nila ang hirap na pinag­dadaanan ng mga pulitikong nagwawagi at nabibigo.

‘Yung isang male personality na kung makapa­ngutya kay Senador Bong Revilla, ano na ba ang markadong nagawa nito sa industriya? Hanggang ngayon naman ay nakadikit pa rin sa kanyang noo ang nagsusumigaw na salitang starlet.

Ang galit na walang katwiran ay inggit ang dahilan. Kainggit-inggit naman kasi talaga ang katulad ni Senador Bong na idinawit na sa isyu ng katiwalian na pinatunayan ng Sandiganbayan na walang katotohanan ay heto, sumipa pa rin pabalik, sinuportahan ng ating mga kababayan.

Mas magandang manalamin muna ang starlet actor na ito para matanong nito ang kanyang sarili kung ano ba ang totoong ipinagpuputok ng kanyang butse sa pagtatagumpay ni Senador Bong Revilla.

ERAP ESTRADA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with