Bida ng isang serye, pinagdurusa pati mga senior citizen sa taping
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 8, 2019 - 12:00am

Sa pagkukuwento ng isang source na hindi nanununog at nangunguryente ay parang nakikinita na ng marami ngayon kung ano ang kakaibang nagaganap sa taping ng isang malawakang serye.

Nakakalungkot lang isipin na halos lahat ng nagtatrabaho sa produksiyon ay parang mga pipi, wala silang karapatang kumontra sa gustong mangyari ng bumibida sa istorya, lahat ay sunud-sunuran lang sa kanyang mga kapritso.

Unang kuwento ng ­aming source, “Kunwari, may gustong mangyari ‘yung starring na imposibleng gawin agad-agad. Natural, mag-uusap-usap ang scriptwriters, wala naman ‘yun sa sinulat nila!

“Wala siyang pakialam du’n, hindi niya iniintindi ang mga sumusulat ng kuwento ng serye, basta ang mahalaga para sa kanya, e, ang magawa ang eksenang gusto niya!

“Ganu’n siya ka-powerful sa set. Kahit ano, basta ginusto niya, e, ‘yun ang kailangang mangyari! Kaya kita n’yo naman, nag-aalisan ang mga katrabaho niya, lumilipat sa ibang shows!” umpisang kuwento ng aming source.

Isang gabi ay nakatengga ang lahat ng mga artista sa set, walang nagsasabi sa kanila kung bakit walang aksiyong nagaganap, hanggang magma­madaling-araw na ay kailangan nilang maghintay.

Patuloy ng aming source, “Walang advise sa kanila kung bakit hindi sila puwedeng umalis, basta, kailangan nilang maghintay, marami pang kukunang eksena!

“Wala pala sa location ang kanilang bida, nag-attend ng isang awards night, umalis siya nang walang pasabi man lang sa mga kasamahan niya!

“E, di ba, may mga artista sa serye na senior citizens na? Hindi man lang siya nagkaroon ng respetong sabihan ang mga beteranong artista na umuwi muna, magpahinga muna, dahil matatagalan siya bago makabalik.

“Ganu’n siya katindi! Kapag wala siya, kailangang huminto ang ikot ng mundo ng taping ng serye. Ibang klase ang ilusyon ng mokong na ‘yun! Mula nu’ng sumikat na siya, e, nagkaganyan na ang ugali niya!

“Kaya hindi natin masisisi ang mga katrabaho niyang nag-aalisan, hindi na nila kinakaya ang pagpa-power trip ng bida ng kuwento, lahat ng gusto niya, e, kailangang masunod, walang puwedeng kumontra, dahil siguradong magkakaroon sila ng engkuwentro ng yumabang nang aktor na ‘yun!

“Hindi masaya sa set na ‘yun, tensiyonado ang lahat, dahil kapag mainit ang ulo ng bida nila, e, damay-damay na!” huling reaksiyon ng aming impormante.

Ubos!

Phillip puro pera lang ang pinahahalagahan!

Tumawag si Phillip Salvador kay Mayor Enrico Roque. Umiiyak siyang nagpaliwanag. Kailanman daw ay hindi niya kayang saksakin nang patalikod ang kanyang kaibigan.

Umakyat lang daw siya sa entablado de kampanya ng kalaban ni Mayor Enrico nang dahil kay SAP Bong Go. Nainis nga raw ang kumakandidatong senador na binubuntutan niya kahit saan dahil kakaunti lang ang tao sa inakyatan nilang entablado.

Parang nasayang lang daw ang kanilang pagod, sana raw ay hindi na lang sila pumunta, kuwento pa ni Phillip kay Mayor Enrico.

Pero anumang paliwanag ang gawin ng aktor ay nangyari na ang nangyari, nagawa na niyang traydurin ang taong nagsalba sa kanya sa pinakamadi­lim na bahagi ng kanyang buhay at karera, lumuha man siya ngayon ng bato ay ipinakita na ni Phillip Salvador ang tunay niyang kulay.

Tapos na si Phillip sa mga Pandieño na nakasaksi sa lalim ng samahan nila ni Mayor Enrico. Tapos na rin ang action star sa mga tulad naming hindi lang nalungkot kundi nagimbal sa ginawa niyang pagbebenta sa pagkakaibigan nila ni Mayor Enrico.

Anumang paliwanag at pag-iyak ang gawin niya ngayon ay magmumukha lang luha ng buwaya ang kanyang pagluha. Puro dahilan na lang ang naiiwanan sa kanya ngayon dahil nakapanakit na siya ng damdamin ng mga taong nag-akala na mabuti at matino siyang kaibigan na puwedeng tayaan sa laban.

Pera-pera na lang ang mahalaga para kay Phillip Salvador ngayon. Hindi niya kayang tanggihan si SAP Bong Go dahil ito na ang bagong mina ng ginto niya ngayon. Hindi na niya kayang lumingon sa nakaraan.

Balewala na sa kanya ngayon ang mga taong tulad ni Mayor Enrico na hindi nagdalawang-isip na tumulong sa kanya nu’ng mga panahon na hindi niya alam kung saang kamay ng Diyos niya kukunin ang ipakakain sa kanyang pamilya at ipampipiyansa sa kanyang mga kaso.

Napakaigsi pala ng memorya ni Phillip Salvador. Mas masahol pa siya sa isang ulyanin dahil sadya ang ginawa niyang kawalan ng utang na loob sa isang itinuring niya nang kapatid.

ENRICO ROQUE PHILLIP SALVADOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with