Female personality na nagkakandakuba sa trabaho, nagsawa na sa tamad at adik sa gadgets na asawa

Konting-konti na lang at bibitiw na nang tuluyan ang isang female personality sa relasyon nila ng isang aktor. Sagad na ang kanyang pasensiya, inubos na ng kanyang karelasyon, wala na siyang maibibigay pa.

Ang sobrang katamaran ng lalaki ang pala­ging dahilan ng kanilang mga argumento, paluin ang male personality, ang babae lang halos ang nagpapakamatay sa pagtatrabaho para mabuhay ang kanilang pamilya.

Kuwento ng aming source, “Matagal nang ganyan ang sitwasyon nila, away-bati, gumagawa ng paraan ang girl para magkabalikan pa rin sila. Ayaw niya kasing lumaki ang mga anak nila sa isang broken family.

“Pero may hangganan ang pasensiya, lalo na kung puwede namang kumilos ang lalaki, pero hindi niya ginagawa. Sobrang tamad ng lalaking ‘yun! Ambisyoso siya, marami siyang gustong makuha, pero paano ‘yun mangyayari kung puro porma lang naman ang ginagawa niya?” umpisang kuwento ng aming impormante.

Awang-awa na sa female personality ang kanyang mga kasamahang artista at katrabaho, nakikita kasi ng mga ito ang sobrang pagpapagod niya, habang kain-tulog lang naman ang kanyang karelasyon sa maghapon.

“Naku, sobrang tamad talaga ng taong ‘yun! Tama na sa kanya ang kumain na lang mula sa pagtatrabaho ng asawa niya. Okey na sa kanya ‘yun, datnan at panawan siya ng girl na natutulog lang!

“Ay, may ginagawa nga pala siya, hindi naman siya basta natutulog lang, kumpleto nga pala siya sa gadgets na ang girl pa rin ang bumili, ‘yun ang isa pang ginagawa niya bukod sa pagtulog nang pagtulog!

“Hindi siya nahihiya sa mga pinaggagagawa niya! Wala siyang pakialam kung humahagok man sa sobrang pagtatrabaho ang misis niya! Ang pakialam lang niya, e, ang pagkain niya sa araw-araw at ang paglalaro ng mga gadgets niya!

“Dati, e, nagpapaka-martyr pa ang babae, pero this time, mukhang nauntog na siya sa katotohanan na hindi na magbabago pa ang ama ng mga anak niya!

“Ayaw pa ring umalis sa bahay nila ang male personality, pero deadma na sa kanya ang girl na punumpuno na, parang talbos na lang siya ng kamote sa bahay nila na hindi pinapansin ng girl!

“Pareho silang galing sa isang mala­king bahay, du’n nabuo ang kanilang pagmamahalan, hanggang sa magbuo na nga sila ng pamilya. Nakakaawang babae, halos makuba na siya sa kawo-work, habang sumasakit naman ang katawan ng male personality sa katutulog!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

JK kailangan ng abogado, hindi biro ang kinahaharap na kaso

Hindi biru-biro lang ang pinagdaraanan ngayon ni JK Labajo. Kailangan nang mamaalam muna ng young singer sa kanyang mga social media accounts dahil habang post siya nang post ay mas madadagdagan ang mga ebidensiya ng pamilya ni Darren Espanto laban sa kanya sa kasong cyber libel.

Pormal nang kinasuhan ni Mrs. Marinel Espanto ng cyber libel si JK Labajo. Ang ina ni Darren ang kinailangang magsampa ng kaso dahil magdidisiotso pa lang ang young singer sa May 24. Nagdisiotso anyos na si JK nu’ng nakaraang Pebrero.

Ang pinag-ugatan ng kaso ay ang pagpapadala ng mensaheng “Gayness at its finest” ni JK Labajo kay Darren. Pinasinunga­lingan ‘yun ni JK, na-hack lang daw ang kanyang account, hindi raw siya ang nagpadala ng mensahe kay Darren.

Pero may mga sumunod pang post si JK na naging dahilan para bigyan siya ng leksiyon ng pamilya ni Darren. Sa korte na lang kailangang sagutin ni JK ang mga reklamong ihinain ng ina ni Darren laban sa kanya.

Nauwi na nga sa demandahan ang isang isyung pinagpistahan nu’n sa social media, akala siguro ni JK ay nagbibiro lang ang pamilya ni Darren nang sabihin ng mga ito na sa korte na lang sila magkita, tinotoo ng pamilya ang kanilang hamon.

Nagpadala sa kanyang emosyon si JK nu’ng may sumigaw ng “I love you, Darren!” sa isa niyang pagtatanghal. Tatlong beses niyang pinagmumura ang sumigaw. Nang kontrahin ng mga manunulat ang kanyang pagmumura ay tinawag niya pang kupal ang mga reporters.

Isang kanta pa lang ni JK Labajo ang kinakanta-kanta ngayon ng ating mga kababayan. Nakati­yempo siya sa piyesang Buwan.

Pero hindi sapat ang isang sikat na kanta lang para magbago at yumabang na ang isang singer. Hindi na sa kanyang account ngayon kailangang sumagot si JK Labajo. Kailangan na niyang kumuha ng abogado para idepensa ang kanyang sarili sa mga akusasyon laban sa kanya ng pamilya ni Darren Espanto.

Show comments