Personalidad na magaling sa three points iniahon sa daang milyong pagkakautang ng karelasyon
Personalidad na magaling sa three points iniahon sa daang milyong pagkakautang ng karelasyon
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 19, 2019 - 12:00am

Walang ipinagkaiba sa showbiz ang mundo ng pulitika at palakasan. Kung maintriga sa showbiz ay sagana rin ‘yun sa dalawang balwarte.

Kung maraming tsismis tungkol sa mga artista ay hindi rin magpapakabog ang linya ng pulitika at palakasan. May kani-kanyang kuwento rin tungkol sa kanila.

Tulad na lang ng isang kilalang lalaking personalidad sa linyang pinili niya, siya ang palaging paksa ng mga kuwentuhan sa kanilang bakuran, matindi ang mga istoryang nakawiwindang.

Kuwento ng aming source, “Nalubog pala sa matinding pagkakautang ang male personality na ‘yun! Nagpakalalim kasi siya sa pagsusugal. Babad siya sa sugalan, palaging talo, kaya lumobo nang lumobo ang utang niya!

“Matalo ba naman siya sa araw-araw, talagang uubusin siya ng bisyo niya! Nu’n lang kasi siya nakahawak ng ganu’ng kalaking pera, kaya ayun, nagpadala siya sa bisyo ng pagsusugal!” simulang kuwento ng aming source.

Naapektuhan ng malaking pagkakautang niya ang kanyang career, palagi siyang nanghihina, magpuyat ba naman siya gabi-gabi na lubog pa sa pagkakautang?

“Nu’ng dumating ang isang babaeng madatung na karelasyon niya ngayon. Parang mayhawak na lubid ang babae na nagsalba sa kanya sa balon ng pagkakautang, hinila siya paitaas, para makaahon siya.

“Hindi basta-basta ang halagang pinag-uusapan dito, daang milyon, ganu’n katindi ang yaman ng babaeng nagbayad ng mga pagkakautang ng male personality.

“Natural, nawindang ang lalaki, gaano nga naman kalalim ang balon ng datung na pinagpukunan ng girl para siya maisalba sa isang matinding indulto?

“Tinatawagan na siya ng mga hiniraman niya ng datung, naisangla na rin ng male personality ang kanyang mga alahas, broke na broke siya talaga. Pero napakasimple ng girl!

“Agad niyang ibinigay ang daang milyones sa male perso­nality, sinabihang bayaran nang lahat ang mga naghahabol sa kanya, isang bagsakan lang ‘yun!

“Kaya buhay-mayaman ngayon ang male personality, nakahiga siya sa salapi, kaya parang tinatamad na siya sa kanyang career kung saan siya nakilala nang husto!

“Dumating ba naman ang isang Juliet sa kanyang buhay na hindi lang siya susuportahan sa mga problema niya, mahal na mahal pa siya, spoiled na spoiled siya sa babae!

“Ang galing-galing talagang mag-three points ng male personality na ‘yun! Siya na talaga, wala nang iba!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Joshua walang effort ang pagka-John Lloyd

Nagsarado na kagabi ang kurtina ng seryeng Nga­yon At Kailanman na pinagbibidahan nina Joshua Garcia at Julia Barretto. Makinis ang pagsisimula at pagtatapos ng serye na nagbigay rin ng ningning kina Alice Dixson at Iza Calzado.

Minsan pa ay nakadiskubre ang ABS-CBN ng isang bagong tambalan na maikukumpara kina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo sa magkaibang panahon.

Paminsan-minsan lang ipinanganganak ang magagaling na aktor at aktres. Tiyempuhan lang ang ganu’n at nakatiyempo ang Dos sa napakanatural na pagganap ni Joshua Garcia.

Mata pa lang ng young actor ay nangungusap na. Pangi­nginig pa lang ng kanyang boses sa madadramang tagpo ay tumatawid na sa manonood. Ibang-iba talaga ang pundasyon ng kahirapan na pinaghuhugutan ni Joshua.

Hindi niya pinaplakado ang pag-arte ni John Lloyd, pinagkukumpara lang sila, pero napakalaking bentahe ‘yun ni Joshua na hindi lang kaguwapuhan ang bitbit kundi ang husay sa pagganap na magdadala pa sa kanya sa malayung-malayong lugar sa showbiz.

Sumasabay rin sa galing ni Joshua si Julia Barretto, dikit ang kanyang ac­ting sa tita nitong si Claudine Barretto (please, hindi si Gretchen), parang gripo ang mga mata ng dalaga na kapag kailangan nang buksan ay parang ayaw nang huminto.

Maaasahan ang magka-loveteam na ito sa harap at likod ng mga camera sa mga proyektong seryoso, may nahukay na namang yaman ang ABS-CBN at Star Cinema sa kanila, dahil bukod sa kaya na nilang itawid ang mapaghamong papel ay meron na silang sariling grupo ng mga tagasuporta.

Maraming salamat sa seryeng Ngayon At Kailanman na tulad ng FPJ’s Ang Probinsyano ay pambanlaw namin sa sobrang pagkainis sa matinding traffic na sinasagupa namin gabi-gabi.

JOHN LLOYD CRUZ JOSHUA GARCIA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with