Dating sikat na komedyante mas pinipiling mag-miron sa pindutan kesa mag-shooting ng isang araw
Dating sikat na komedyante mas pinipiling mag-miron sa pindutan kesa mag-shooting ng isang araw
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 13, 2019 - 12:00am

Nakakaloka ang kuwentong ito. May mga nagtatanong sa isang komedyanteng nabigyan din nu’n ng pagkakataong magningning ang pangalan kung bakit hindi siya kasama sa isang bagong pelikula ng kasamahan niyang komedyante?

Nandu’n kasi ang iba nilang mga kasamahang nagkokomedya, pero wala siya, kaya maraming nang-uurirat sa kanya kung bakit hindi siya kinuha ng produksiyon.

Reaksiyon ng aming source, “Kasi raw, sabi niya, e, isang araw lang naman ang ibibigay sa kanya. One day shoot lang. E, iniisip niya, matindi ang preparasyon ng isang araw na shoot na ‘yun, magpupunta pa siya sa location, mapapagod pa siya sa biyahe, maliit lang naman ang talent fee na ibibigay sa kanya.

“So, hindi na niya tinanggap ang offer, saka na lang daw, kapag marami-raming shooting days ang ibibigay sa kanya. At least, bawi ang effort at pagod niya dahil mahaba ang magiging exposure niya. Malaki rin ang TF na ibibigay sa kanya,” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Mukhang tinatamad na ngang magtrabaho ngayon ang komedyanteng naging bukambibig din nu’n dahil sa sarili niyang atake. Nagkakaedad na rin kasi siya, bumibigat pa ang katawan niya dahil lumaki siya, kaya ayaw na niya ang maigsiang shooting lang.

Kuwento uli ng aming source, “Mas gusto na lang niyang magbabad sa isang lugar na airconditioned, maingay at sangkatutak ang nagpupuntahan. Mas gusto pa niyang magmiron na lang sa mga naglalaro, dahil kapag nananalo sila, e, naambunan siya ng balato!

“Mas magaan nga naman ang ganu’n, palakad-lakad lang siya, paikut-ikot, patulog-tulog sa napakalambot na sofa at naka-aircon pa siya, pero kapag sinusuwerte ang mga kaibigan niyang pumipindot, e, datung na agad ‘yun para sa kanya!

“Hindi na raw siya bibiyahe, hindi na siya mabuburyong sa matinding traffic, wala pa siyang kailangang memoryahing mga dialogues, tapos, one day shoot lang naman pala siya!

“Naku, kilalang-kilala siya sa lugar na maingay at matao, kapag wala siya du’n, e, hinahanap na siya ng mga players, ganu’n na siya kadalas sa lugar na ‘yun na itinuturing na niyang second home!

“Talagang du’n na siya tumatambay, three times a day niyang mahal na mahal ang place na ‘yun!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Ubos!

Gen. Bato inilalaban ang pelikula ni Robin

Pumalag ang kampo ni General Bato dela Rosa kung bakit may mga kumokontra sa pagpapalabas ng kanyang life story na ginagampanan ni Robin Padilla.

Electioneering na raw kasi ‘yun, napakarami namang pagkakataon para isapelikula ang buhay niya, pero bakit ngayon pang kakandidato siyang senador at saka ipanganganak ang proyektong ‘yun?

Natural, ipinagtanggol si General Bato ng kanyang mga abogado, sa February 12 pa naman ang opisyal na pagsisimula ng kampanya ng mga senatorial candidates kaya bakit si General Bato lang ang tinututukan ng mga isyu?

Hindi raw naman ang opisyal ng PNP ang guma­ganap, si Robin Padilla naman, kaya ano ang krimen kung ipalabas ‘yun bago dumating ang opisyal na kampanyahan?

Napakalaki ng bentaheng nakukuha ng mga kakandidatong personalidad na gabi-gabing napapanood sa matagumpay na FPJ’s Ang Probinsyano. Mataas ang posisyon sa pinakahuling survey ni dating Senador Lito Lapid.

Napakalaking bagay para sa aktor-pulitiko ang pagtutok ngayon ng seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin sa nabuo nilang pagmamahalan ni Angel Aquino. May kilig ang kanilang mga tagpo, parang nagbalik ang alaala ni Leon Guerrero sa eksena nilang nangangabayo ng magandang aktres, napakasu­werte naman ni LL.

Pero ngayon pa lang ay pi­nag­­hahandaan na ang pag-alis nito sa Ang Probinsyano, hanggang bago mag-February 12 na lang ang kanyang exposure, balita nami’y bibitiw na ito sa pagiging Pinuno at magbubuo na sila ni Angel Aquino ng sarili nilang pamilya sa isang malayong lugar na hiwalay na sa grupong Vendetta.

Limitado na rin ang partisipasyon nina Edu Manzano, Jhong Hilario, Mark Lapid at Roderick Paulate, bago mag-March 29 ay kailangang wala na sila sa serye, dahil tututukan na nila ang kampanyang lokal.

Napakaraming artistang pumasok na sa mundo ng pulitika ang natutulungan ni Coco Martin. Ninong ang tawag sa kanya ng mga kapwa nito artista dahil totoo namang hindi mababayaran nang kahit magkano ang exposure na nakuha ng mga ito mula sa kanya.

BATO DELA ROSA ROBIN PADILLA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with