Revilla family
Bong pinakamaligaya sa pasko!
TAKE IT TAKE IT - Lolit Solis (Pilipino Star Ngayon) - December 8, 2018 - 12:00am

Salamat talaga Lord, Mama Mary dahil abswelto si former Senator Bong Revilla, Jr. sa plunder case na isinampa laban sa kanya, four years ago, dahil nadamay siya sa pork barrel scam.

Siyempre maligayang-maligaya ang lahat ng mga nagmamahal kay Bong sa not guilty verdict ng Sandiganbayan First Division.

Guilty naman ang hatol kay Janet Napoles at sa former staff member ni Bong na si Atty. Richard Cambe na nahatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo. Sina Janet at Richard ang mga co-accused ni Bong sa plunder case kaya talagang parang babagsak ako sa upuan nang basahin ang hatol sa kaso ni Bong.

Maaga pa lang, nagtipun-tipon na ang mga supporter ni Bong sa harap ng Sandiganbayan.

Inaasahan na kahapon din lalabas si Bong mula sa  selda nito sa PNP Custodial Center ng Camp Crame pagkatapos ayusin ng kanyang mga abogado ang piyansa para sa graft cases niya.

Maraming salamat uli  Panginoon dahil dininig mo ang mga panalangin na makalaya si Bong bago sumapit ang Pasko.

Ito na ang isa sa pinamakahulugan at pinakamasaya na Pasko sa buhay ni Bong.

Ang dalawin ang puntod ng kanyang pumanaw na ina ang isa sa mga plano ni Bong gawin ngayon.

Mula sa libingan ng nanay niya, bibisitahin ni Bong ang kanyang ama na si former Senator Ramon Revilla, Sr. sa tahanan nito sa Bacoor City, Cavite.

Dinumog si Bong ng mga miyembro ng media matapos ang pagbasa ng desisyon. Nag-unahan ang mga reporter na makausap si Bong pero ang lawyer niya na si Atty. Ramon Esguerra ang nagbigay ng pinakamalinaw na paliwanag tungkol sa hatol na not guilty.

‘Wag na tayo ngayong maging nega. Apat na taon na ang nasayang sa buhay ni Bong.

Bigyan natin siya ng pangalang buhay at ‘wag na natin hadlangan ang mga natitira niyang mga pangarap.

Sigurado akong hindi sasayangin ni Bong ang kalayaang ito.

Terrence may isang salita!

Nagtataka ako kung bakit hindi nasama sa Gilas Pilipinas si Terrence Romeo eh noong kasama siya ay nag-win tayo sa mga international basketball games na sinasalihan natin.

Mukha kasing lucky charm talaga si Terrence dahil masigasig siyang maglaro at focus na focus sa sports na sinalihan niya. Nabasa ko sa interview niya kay Ricky Lo na wala siyang bisyo. Talagang sa paglalaro nakatuon ang isip niya.

Saka ‘di ko talaga malimutan iyong ginagawa niya na paggising niya ay agad siyang nagdadasal, at ganundin bago siya matulog. Sign ito ng isang mabait na tao.

At isang bagay na lalo kong hinangaan sa kanya ay may isa siyang salita. Imagine, pabiro akong naglambing ng basketball shoes para sa pamangkin at bayaw ko, voila, pinadala niya agad.

‘Di ba isang ugali na hahangaan mo sa isang tao iyon ‘pag nangako, andiyan agad. Thank you Terrence, kaya pala lucky charm ka, dahil mabait ka.

Hayaan mo na magsisi kung sino ang may desisyon na huwag kang isali sa national team ipagdasal mo na lang, sure ako nagsisisi siya tuwing natatalo team natin. Love you Terrence, thanks.

JR. BONG REVILLA
Philstar
  • Latest
Latest