Mga kinita ng male personality nililimas ng karelasyong may bisyo
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - November 9, 2018 - 12:00am

Nakakalungkot malaman na sa tagal na ng panahong nagpapakamatay sa pagtatrabaho ang isang pamosong male personality ay wala man lang pala siyang naiipon.

Walang patlang ang kanyang pagkayod, malaki ang kanyang talent fee sa bawat show na tinatanggap niya, pero nagtatanungan ang kanyang mga mahal sa buhay kung saan napunta ang lahat ng kinita niya.

Kuwento ng aming source, “Kung iisa-isahin natin ang mga shows na ginawa niya, e, kakapusin tayo sa pagbibilang. Kulang na kulang ang mga daliri natin sa paa at kamay para lang masundan natin ang dami ng matatagumpay niyang shows.

“Grabe siya! Hindi lang dito sa atin siya pinapalakpakan, kahit sa iba-ibang bansa, e, palagi siyang kinukuhang performer dahil talagang magaling siya!” simulang litanya ng aming impormante.

Nang dumating ang isang matinding problema ng male performer ay takang-taka ang kanyang pamilya at mga kasamahan. Kinailangan pa nilang mangutang at humingi ng tulong para lang matugunan ang malaking halagang kailangan niya.

“Du’n na nag-isip ang family niya, bakit wala siyang pera? Bakit kailangan pa nilang mangutang sa mga kaibigan niya? Bakit siya nagkaganu’n, e, wala na naman siyang pinagkakagastusang mga anak dahil puro professional na?

“Saan napupunta ang milyones niyang kinikita? Sino ba kasi ang humahawak ng pera niya? Saan ‘yun napupunta? Natural, naghahanap ang family niya dahil alam nila kung gaano kalakas kumita ang male personality,” napapailing pang kuwento ng aming impormante.

Natuklasan ng mga nagmamahal sa male personality ang dahilan. May isang babaeng nag­mamando-nagpapaikot ng kanyang buhay at career. Ito ang sinasabing umuubos sa kanyang salapi.

Pagtatapos ng aming source, “Mahabang-mahaba ang kuwento. Napakaraming nalaman ng fami­ly and friends ng male performer. Kaya pala kahit hirap na hirap nang kumanta ‘yung tao, e, kailangan pa rin niyang kumayod, may matinding dahilan pala.

“May pinagkakaabalahan palang bisyo ang babae, kailangan pala niyang pagtrabahuhin ang karelasyon niya kahit hirap na hirap na. ‘Yun pala ang dahilan.”

Ubos!

Sen. Pacquiao markado ang ginagawang pagtulong

Matinding pangangailangan ang nakaengkuwentro sa buhay ng isa naming kaibigan. Kailangan nilang humingi ng ayuda sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan at maging sa mga senador para lang mairaos nila ang gastusin sa ospital ng kanilang ama.

Linggo pa lang nang gabi ay pumila na sila sa Senado. Lunes daw kasi ang pagbibigay ng tulong (sa pamamagitan ng guarantee letter) ng mga senador sa mga kababayan nating lumalapit sa kanila.

Naging makabuluhan naman ang kanilang paglapit sa mga mambabatas, may nagbigay ng guarantee letter na isang libo ang halagang naka­saad, merong isang senador na nagpahintay sa kanila nang halos maghapon na nagbigay sa kanila ng guarantee letter na tatlong libo ang laman.

Pero hinding-hindi nila makakalimutan ang napakabuting puso ni Senador Manny Pacquiao. Sa kahit anong posisyong tatakbuhan ng Pambansang Kamao ay nangangako ang buong lahi ng aming kaibigan na susuportahan siya.

“Nandu’n ang medical abstract ng patient, nandu’n din ang total billing sa hospital. Nandu’n ang lahat ng mga kailangang documents para sa paghingi ng tulong sa mga polticians.

“Ang iba pong senador, e, nagbigay ng guarantee letter, ‘yung isang babaeng senador po, one thousand ang ibinigay. May three thousand, meron namang nagpahintay lang, pero wala namang ibinigay.

“Nagulat po kami kay Senator Manny Pacquiao. Fifty thousand po ang amount ng guarantee letter na ibinigay niya sa amin. Saka hindi na nila kami pinaghintay.

“Mabilis po ang process, hindi nga kami nainip. Napakalaking tulong po sa father ko ang ibinigay ni Senator Pacman. Nakapagbayad na kami sa ospital, may naipambili pa po kami ng mga gamot na kailangan,” kuwento ni Christine Hufana, ang caregiver na nag-alaga sa aming mga magulang nu’ng nabubuhay pa, pero hanggang ngayon ay nasa aming pamilya pa rin.

Tinitingala na ng pamilya si Pacman bilang matagumpay na boksi­ngero ay mas hinahangaan pa nila ang kabutihan ng puso ng senador.

Sabihin nang hindi niya naman sariling pera ang ipinangtulong sa pamilya kundi pondong ipinamamaha­gi sa mga pulitiko ay hindi pa rin ma­i­tatanggi ang katotohanan kung gaano kalaki ang puso ng senador sa mga kababa­yan nating may matinding pangangailangan.

MANNY PACQUIAO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with