Aktor puro talak lang pagkasama ang GF, malabong makabuntis!

Hala! Puro halakhakan ang maririnig sa paligid habang pinagpipistahan sa isang umpukan ang isang pamosong male personality. Kilalang-kilala siya, maganda ang bokadura ng lalaking personalidad, pero hanggang sa pakikipagrelasyon pala ay ganu’n din siya?

Kumpleto sa kuwento ang magkakaumpukan, nakatrabaho kuno ng mga ito ang mga dating karelasyon ng male personality, kaya marami silang baun-baon na istorya.

Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Naku, nakakaloka ang kuwento tungkol sa kanya, ha? Isa lang pala ang hilig niya, pakikipagkuwentuhan! Natural, hindi naman ganu’n lang ang gusto ng karelasyon niya.

“Siyempre naman, naghahanap ng pagmamahal ang girlfriend niya, loving-loving ang hanap ng girl, hindi seminar lang! Para palang uma-attend ng seminar kung paano yumaman ang girlfriend niya.

“Parang kabisado na niya ang mga libro how to become rich, alam na alam niya na ang mga paraan para madaling yumaman, ‘yun ang palagi niyang sinasabi sa karelasyon niya!

“Ang ending, nakakatulog na sa pagkainip ang girl, walang interest sa mga sinasabi niya, kaya walang ganap!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Malambing lang kuno ang male personality kapag maraming nakakakita sa kanila ng girlfriend niya. Kunwari, nagdi-dinner sila o namamasyal sa mga public places, du’n lang nagiging malambing ang male personality.

“Napakalambing kuno ng male personality kapag nasa labas sila ng girlfriend niya, ipinakikita niya sa mga tao na maalaga siya, malambing, kaya maraming naiinggit sa girlfriend niya.

“’Yun ang gustung-gusto ng babae, ang lumalabas sila, kasi nga, e, sobrang lambing ng guy. Pero kapag sila na lang ang magkasama, e, waley! Back to the seminar na naman siya!

“Speaker na naman ang male personality, facilitator na naman ng isang seminar, na nanghihila ng antok sa babae! Palaging ganu’n lang siya, boka lang siya nang boka, walang ganap!

“At tatlong nakarelasyon na niya ang ganu’n ang sinasabi, ha? Consistent ang male personality, puro boka lang ang ginagawa niya kapag kasama na niya ang girl sa mga pribadong lugar!

“Kaya naman pala kahit minsan, e, hindi nasangkot ang name niya sa buntisan issue. Paano ngang mangyayari ‘yun, e, wala naman pala siyang ginagawa kapag magkasama sila kundi ang kumuda nang kumuda?” tawa pa rin nang tawang pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Mga iniwang kanta ni Rico J. buhay na buhay sa ere

Kahit anong istasyon ng radyo ang tutukan mo ay puro pinasikat na kanta ni Rico J. Puno ang pinatutugtog. Walang pinipiling oras ‘yun, umaga hanggang gabi ay paulit-ulit mong maririnig ang mga piyesang iiwanan sa atin ng Total Performer, bilang tribute sa kanya.

Ngayong gabi ay nagkaisa ang mga kaibigan at kapwa singers ng namayapang singer-actor na maghandog ng concert sa kanyang lamay. Hindi lang basta magsasalita ang kanyang mga kasamahan, magko-concert talaga, dahil ganu’n ang gusto ni Rico J..

Nakilala si Koriks sa pagiging masayahin, meron man siyang pinagdadaanang problemang personal ay hindi niya ‘yun binibitbit sa entablado sa kanyang performance, huli na kapag nalaman ng mga kaibigan niya na may giyera pala siyang hinaharap.

Pero ang kasiglahan ni Rico ay biglang bumagsak nang magpaopera siya sa puso, ramdam na ramdam ng kanyang mga kapwa singers ang deteryorasyon ng kanyang katawan, nahihirapan na siyang gumalaw at madalas na kinakapos sa paghinga.

Kuwento ni Rey Valera, “Walang maitatago sa akin dahil magkasama kami sa grupo. Kilalang-kilala ko si Rico, buskador ‘yun, e! Kahit wala kayo sa stage, talagang iistorbohin ka niya sa pagbibiro.

“Pero after ng operation niya, nararamdaman ko ‘yung paghina niya. Dalawang kanta pa lang, e, napapagod na siya, kaya kapag talagang hindi na niya kayang abutin ang matataas na nota, nag-o-audience participation na siya.

“Ganu’n na lang ang ginagawa niya, nahahapo na kasi siya, ang laki-laki ng ipinagbago niya on-stage. Pero siyempre, pinagtatakpan niya ‘yun, nagpapanggap siyang okey lang.

“Pero sa aming magkakasama, e, hindi niya ‘yun maitatago, malaki ang inihina ng katawan niya. Mahal na mahal lang talaga niya ang pagkanta. ‘Yun ang literal na hanggang sa huling sandali ng buhay niya, e, gusto pa rin niyang kumanta,” pag-alala ng sikat na singer-composer.

Bukas ay ihahatid na ang mga labi ng Total Performer sa Heritage Park, mga awitin na lang niya ang ating maririnig, ang gintong pamana ni Rico J. Puno sa kanyang mga mahal na tagahanga.

Show comments