Matapos bigyan ng downpayment, Nora nagbanta ng demanda sa tagahanga!

Nora

Masama ang loob ng tinaguriang Revival King na si Jojo Mendrez kay Nora Aunor at sa kampo nito dahil sa biglang pag-atras sa guesting nito sa kanyang concert na Jojo Mendrez Live, The Revival King na gaganapin sa October 5 sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.

Ilang kaibigan ni Jojo na malapit sa Superstar ang nag-ayos ng guesting nito sa kanyang concert, dahil bukod kay Sharon Cu­neta, si Nora ang isa sa idol na idol ng naturang singer.

Ang Handog ang isa sa kantang ni-revive ni Jojo at gusto sana niyang nandun ang aktres para sa kanya ialay ang naturang kanta.

Parang bibigyan daw ito ng tribute at doon kakantahin ni Jojo ang Handog kasama na si Ate Guy. Iyun lang ang partisipasyon na willing naman si Jojo magbigay ng honorarium para sa aktres.

Nung nakaraang linggo ay nagkasarahan na sila nung kausap niya at nagbigay na si Jojo ng 50 percent down payment. Kaya naman tuwang-tuwa si Jojo na inilagay sa kanyang poster ang partisipasyon ni Ate Guy kasama si Pilita Corrales.

Ngayon, isang Noranian ang galit na galit dahil nakalagay sa poster na ipinost sa FB account nito ay nauna ang pangalan ni Pilita. Kung anu-anong panlalait na ang inabot ng naturang singer.

Pero nilinaw naman ng nag-layout ng poster na may ‘and’ bago ang pangalan ni Nora. Hindi napahinuhod dito ang ibang Noranians. Alam naman daw ng lahat na may gap sina Pilita at Nora. Hindi alam ni Jojo ‘yun. At para matahimik na raw ang Nora­nians, pinalitan na lang ang layout.

Ilang sandali lang, nakatanggap na naman ng tawag si Jojo na ayaw daw nila. Gusto raw nila tanggalin na talaga ang pangalan ni Pilita. Hindi naman puwede yun dahil si Pilita ang isa sa mga special guest, at kakanta siya. Samantalang si Ate Guy ay kakantahan lang naman.

Kahapon ay nakatanggap ako ng tawag kay Jojo na nagsusumbong dahil nakausap daw niya mismo si Nora na tila galit na galit.  Pinapatanggal daw ang litrato at ang pangalan nito sa poster dahil mano­nood lang naman daw siya at kakantahan, iyun lang at wala siyang gagawin.

Pero nilinaw naman ni Jojo, na iyun ang usapan. Nung tinanggap daw ang 50 percent downpayment, ang buong pagkakaintindi niya na okay na ang lahat. Nakalagay sa acknow­ledgement receipt na pinirmahan daw mismo ni Nora na 50 percent downpayment iyun sa kanyang talent fee bilang guest sa naturang concert.

Nung nagkausap sina Jojo at Nora sa telepono kahapon, itinanggi raw ng aktres yung nagpadag­dag ng talent fee. Hindi raw siya nagpadagdag, at ang buong akala raw niya ay uupo lang siya mano­nood at kakantahan ito ni Jojo. Puwede naman daw niyang gawin iyun kahit walang bayad. Nagtataka naman si Jojo sa sinabi ng Superstar dahil tila salungat ito sa sinasabi nung taong kausap niya.

Nawindang lalo si Jojo nang sabihin ni Nora na ibabalik na lang daw nila ang downpayment, at magdedemanda na lang daw sila.

Ang huling pag-uusap namin ni Jojo, nakipag-usap na raw ang staff ni Nora para ibalik na lang ang downpayment.

Umaasa pa rin siyang magkaayos sila, para matuloy ang appearance ni Nora sa kanyang concert. Para wala na lang daw gulo, tinanggal na niya sa social media ang poster ng kanyang concert.

Female personality natsitsismis sa may asawang katrabaho!

Aware kaya si female TV personality na pinag­tsitsismisan siya ng mga katrabaho niya sa kanyang programa?

May malisya ang tsismis na tila iniuugnay si female TV personality sa kasamahan niyang si male TV personality.

Madalas silang magkasama sa programa, at sa ibang lakad ni female TV personality isinasama niya itong si male TV personality.

Naiintriga na raw ang ibang katrabaho kung bakit lagi silang magkasama. Binigyan ng malisya ang closeness nila.

Tingin ko, walang malisya ang closeness ni female TV personality kay male TV personality, lalo na’t may asawa itong huli.

Kaya lang, hindi ko alam kung sino ang nagpasimuno ng intriga at hindi sila aware, pinagtsitsismisan na silang dalawa.

Kahit nga ibang celebrities na hindi involved sa kanilang programa, nakakarating na ang tsismis na yun.

Show comments