Bagitong nangarap sumikat, bumalik na ang dating hitsura ng retokadong mukha
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - September 15, 2018 - 12:00am

Hindi kagandahan ang mga salitang ikinakapit ngayon sa isang bagitong nangarap sumikat nang mabilisan. Maaga siyang nalunod sa isang kutsarang tubig.

Lumiit agad ang kanyang mga sombrero sa biglaang paglaki ng kanyang ulo. Maaga siyang nagmaangas dahil ang kanyang paniniwala ay wala nang katapusan ang mga pagpansin sa kanya ng publiko.

At para mas mapag-usapan pa siya ay dumating ang mapangarap na lalaking personalidad na ito sa paniniwala sa kasabihang good or bad publicity is still publicity.

Komento ng isang source, “Talagang sa kangkungan siya dadamputin dahil nauna ang yabang niya kesa sa pagpapakita ng pruweba na may talent siya. Nakalaan na talaga ang kangkungan sa mga personalities na inuuna ang kaangasan!

 “Tulad ng mokong na ‘yun, hindi pa man siya nakasisigurado sa career niya, e, umarya na agad siya sa pamimintas sa mga sikat na artista. Ano ‘yun? Para lang siya mapag-usapan?

 “Ano tuloy ang nangyayari sa kanya? E, di pinakain siya ng apdo at ampalaya ng mga fans ng mga artistang pinagpipistahan niya? At kumusta na nga ba siya ngayon?” bitin na pahayag ng aming impormante.

Nasa kangkungan na ang mapangarap na bagitong personalidad. Wala nang pumapansin sa kanya kahit pa magpagulung-gulong siya sa mga pampublikong lugar ngayon kasama ang kanyang mga amuyong na kasing yabang din niya.

 “Nakakaloka na ang itsura niya! Lumipas na ang ipinagmamalaki niyang kaguwapuhan. Parang tinamad na ang doktor na kumumpuni sa itsura niya, kaya ayun, bumabalik na sa dati ang itsura niya!

 “Nakalimot kasi siyang idikdik sa utak niya na anumang fake, e, hindi nagtatagal. Iba pa rin ang original, ‘yun ang panghabambuhay. E, ano ba ang naging puhunan niya para mapansin siya?

 “Di ba, ang itsura niyang resulta ng siyensiya? Meron pa bang natitirang part ng face niya na hindi dumaan sa salamat po, doktor? Ipinagmalaki niya ‘yun, e, panandalian lang naman ang itinatagal ng mga fake!

 “Nu’ng minsan nga, e, may nakakita sa mokong na ‘yun na lakad nang lakad sa isang mall. Nagpapapansin siya, pero wala namang nagbibigay ng panahon sa kanya!

 “Ang the height, e, ‘yung mismong mga amuyong na niya ang nagduduldol sa kanya sa mga tao, ang sabi ng isang kasama niya, ‘Siya si ____(pangalan ng retokadong bagito)! Magpa-picture na kayo sa kanya!’

 “May lumapit ba sa kanya? May nagkainteres bang makipag-selfie sa kanya? Nganga siya, waley, kailangan na niyang kumanta ngayon ng La Ocean Deep dahil maaga siyang nalaos!” madiing komento ng aming source.

Ubos!

Mga magsasaka kawawa sa bagyo

Nagka-trauma na ang mga magsasaka sa mga nakaraan nilang karanasan nang hagupitin ng bagyo ang kanilang probinsiya. Ang palay na dapat sa susunod na buwan pa nila anihin o sa mga unang linggo ng Nobyembre ay ginagapas na nila ngayon.

Kahit paano nga naman ay meron pa silang pakikinabangan kesa sa lumubog sa baha ang kanilang pananim na gapasin man nila ay pagkaitim-itim na bigas na ang kalalabasan.

Tumaas na nang tumaas ang presyo ng bigas. May mga kumakain na rin ngayon ng kamote at mais para kahit paano’y makatipid sila. Sabi nga ni prop, “Sa halip na tumutok ang gobyerno kung kailan huhulihin si Senator Trillanes, e, unahin na sana nilang solusyunan ang basic needs ng mga Pilipino.”

Totoong-totoo.

Maselan ang pinagdaraanan Vice bantay-sarado ng kapatid na doktor

Maganda lang magdala si Vice Ganda pero napakaselan pala ng pinagdadaanan niya ngayon. Mula nang maoperahan siya para tanggalin ang kidney stones niya ay bantay-sarado na ang kanyang mga kinakain at iniinom.

Hindi siya puwedeng kumain ng mga gusto niya at nakasanayan na, kailangang sukat ang alat nu’n, dahil kung hindi ay magkakaproblema na naman siya sa kidney.

Mabuti na lang at may kapatid siyang doktor na tumututok sa kanya, sa mga panahong nakalilimot si Vice sa kanyang sitwasyon ay nand’yan ang ate niyang doktora na nagpapaalala sa kanya, napakalaking bagay nu’n para sa sikat na komedyante-TV host.

Mapagbiro talaga ang kapalaran. Kung kailan naman kayang-kaya nang kainin ni Vice Ganda ang masasarap na pagkaing ipinagdamot sa kanya nu’ng hindi pa siya sikat ay saka naman siya nagkaproblema sa kanyang kalusugan.

Tama ang kasabihan na hindi lahat ng biyaya ay ibinibigay sa isang tao lang. Pero maganda ang ginagawang patuloy na pagtulong ng komedyante sa mga kababayan nating nangangailangan.

Maraming nagpapasalamat at nagdarasal para sa kanya, at ang mas maraming panalangin ay agarang dinidinig ng langit, kaya malaki ang posibilidad na ang pinoproblema niyang pisikal ay matutuldukan din at magkakaroon ng lunas.

 

VICE GANDA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with