Sikat na singer-actress hindi natuturuan ng tama kaya napagkakamalang inggrata!

Maraming taong nakatulong sa isang sikat na female personality. Hindi niya naman nakuha lang sa isang magdamag ang kasikatan at magandang buhay niya ngayon.

Bago siya nakarating sa isang malaking kum­panya na nagpapatakbo sa kanyang singing-acting career ay maraming kamay muna ang nag-angat sa kanya nu’ng baguhan pa lang siya.

Kuwento ng aming source, “Kailangang-kailangan niya ng tulong nu’n, ng exposure, kaya lahat ng puwede nilang lapitan, sinasadya talaga nilang mag-ina.

“Maraming tumulong sa kanila, kaya lang, hindi tulad ng tulong na nasuwertihan nilang makuha sa isang malaking recording company. Du’n talaga siya sinuwerte, du’n siya sumikat nang husto,” umpisang kuwento ng aming source.

May mga umiikot na kuwento na pagkatapos tulungan ng kanyang mga nilapitan ang magaling at sikat na singer-actress ay hindi na niya naaalala ang mga ito.

“Mabait ang girl, wala kang masasabi sa kanya kahit sikat na sikat na siya, e, hindi siya mayabang. Walang kahit katiting na kaangasan ang batang ‘yun, mabait talaga siya.

“Ang pagkukulang, e, wala sa kanya, nasa mga taong nakapaligid sa kanya ‘yun, kulang na kulang sila sa paggabay at pagpapaalala sa girl. Kung ‘yun ba naman, e, ipinaaalala nila ang mga taong unang-unang tumulong sa girl, e, di sana, aware siya tungkol du’n, di ba?

“Kaso, ang mga taong nakapaligid sa kanya ang nagkukulang, napapasama tuloy ang singer-actress, siya ang napagdidiskitahang walang utang na loob sa mga unang-unang kamay na nagpala sa kanya.

“Kuwentuhan nila ang girl, napakadali namang sabihin na nu’ng nag-uumpisa pa lang siya at wala pang ka-name-name, e, ito ang mga taong nilapitan nila para sa exposure.

“Pinakakanta siya ng mga taong ‘yun sa mga shows nila na kahit maliit lang at sa mga mall lang ginagawa, e, nakakuha pa rin siya ng attention ng publiko sa mga palabas na ‘yun!

“Ganu’n lang naman kasimple ‘yun, ipaalala nila sa girl ang nakaraan. Bagets na rin naman siya nu’n, natatandaan na niya ‘yun, kaya lang, kailangan pa rin siyang i-remind.

“Wala sa kanya ang problema, matanaw ng utang na loob ang girl, kulang lang siya sa pagpapaalala ng mga taong dapat, e, gumagawa nu’n, para hindi siya napagsasabihang nakalimot na,” madiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kris at Vice pinatunayan ang friendship

Siguradong magkakaroon na ng tuldok ang isyung may hindi pagkakaintindihan sina Kris Aquino at Vice Ganda.

Matagal na silang pinagsasabong, hindi lang sila pumapatol, alam naman kasi nilang dalawa na wala silang dapat ipaliwanag.

“Asawa” pa nga ang tawagan nila dati, kung nasaan kasi ang isa ay nandu’n din ang isa, kaya para silang mag-asawang magkahawak-kamay kahit saan.

Isa si Vice Ganda sa mga nagplano ng block screening para sa pelikulang I Love You Hater kung saan kasama ang aktres-TV host. Suporta para kay Kris ang ibig sabihin nu’n na damay na rin ang JoshLia.

Pero punumpuno ang schedule ng sinehang kinukuha ni Vice, walang maibigay sa kanya, kaya ang ginawa ng komedyante ay pinakyaw na lang nito ang mga ticket para sa isang regular screening.

Bilang pagpapahalaga sa effort na ginawa ni Vice Ganda ay duma­ting si Kris, matagal silang nagkakuwentuhan, positibo ang hatid nu’n para sa mga common friends nila.

Tumamlay ang kanilang pagkakaibigan nang mawala na si Kris sa ABS-CBN. Contract star ng network si Vice Ganda, ipit na ipit ang sikat na komed­yante sa dalawang nag-uumpugang puwersa, kaya hindi na sila nagkakasama.

At hindi lang naman si Vice ang napalayo kay Kris, maraming personalidad na dating nakapaikot sa aktres-TV host na biglang nagsilayo, sabi ng marami ay takot kasi ang mga artistang ‘yun na sitahin sila ng mga ehekutibo ng istasyon kung bakit sila nakikipaglapit pa kay Kris.

Hindi naididikta ang gusto ng puso, sina Kim Chiu at Erich Gonzales ay nanatiling tapat sa kanilang pakikipagkaibigan kay Kris, hindi natakot ang mga ito sa kung anumang maririnig nila, basta ate pa rin nila si Kris Aquino.

At sila ang itinuturing na kayamanan ni Kris, ang mga kaibigan niyang kahit may pressure sa ibang kampo ay patuloy pa ring nagpapahalaga sa kanilang pinagsamahan, hindi pinagbabago ng anumang sitwasyon.

Ano nga ang sabi? Ang tunay na kaibigan ay parang dugo. Kung kailan tayo nasusugatan ay saka lumalabas at nagpaparamdam.

Show comments