Billing nina Richard at Dingdong sa movie Vice, pinoproblema!

Dingdong at Richard

PIK: Sobrang haba ng hair ni Kakai Bautista nang iladlad niya sa presscon ng pelikula nilang Harry and Patty.

Hindi naman daw siya nawalan nung nagkalabuan sila ni Aaron, dahil ang dami naman niyang naka-date na pawang mga guwapo.

“I’m actually dating some guys..some guys hindi lang isa, out of showbiz. Saka lahat sila guwapo. Pero coffee coffee lang, dinner. I’m enjoying myself as a single woman. May iba po akong priorities,” saad ni Kakai.

Isang taon din daw silang walang komunikas­yon, at todo-effort naman daw si Aaron na makipag-ayos pero hindi niya ito hinarap.

“So many times that he reached out to me, pero ako lang talaga yung…alam ni Tatay Freddie ‘yan na ilang beses talaga siya lumapit at nag-effort.

“At least three times, pero on the fourth time, ‘sabi ko sige na nga’. Nagkita kami nagyakap na lang kami tapos yun na. Wala na. Pumasok na lang kami sa kuwarto chareet!” natatawa niyang tsika.

Ang bilis lang naman daw nagkapatawaran sabi ni Aaron, at maganda nga ang pag-aayos nila, dahil itong pelikulang Harry and Patty ang ending.

Nakita namin ang trailer ng pelikula at mukhang kuwela naman. Kaya ibang-iba ito sa kasabay na BuyBust na magsu-showing din sa August 1.

PAK: Kahit magsu-showing na ang BuyBust, mukhang ito na ang napagkasunduan ng Cinemalaya na maging opening film sa August 3.

May ilang detalye lang na dapat ayusin dahil ang dinig lang namin, may request ang Viva Films na may ticket.

Usually, free entrance ang opening film ng Cine­malaya, pero baka itong sa BuyBust lang ang magkakaroon lalo na’t makakasabay nito ang commercial showing.

Ewan ko lang kung eepek dahil kung may bayad sa opening film, puwede naman nilang panoorin ito sa commercial theaters.

Maganda ang feedback sa action movie na ito ni Anne Curtis, lalo na’t binigyan ng Grade A ng Cine­ma Evaluation Board.

BOOM: Ngayon pa lang ay marami na ang nagtatanong kung talagang matutuloy ang pagsasama nina Dingdong Dantes at Richard Gutier­rez sa MMFF (Metro Manila Film Festival) 2018 entry ni Vice Ganda, paano raw ang billing nito?

Kung sakali, first time pa lang silang magsama sa isang project at maraming konsi­derasyon ito.

Sino ang mauuna sa billing? Tingin ko naman walang problema kay Vice Ganda dahil siya naman ang bida rito, pero sa dalawang lead actors, paano ayusin ang billing. Sino ang mauuna? O sino ang may ‘and’ sa pangalan?

Balanse kaya ang exposure sa pelikula? Sino ang mas mabigat na role, at kanino matutuloy si Vice Ganda bilang si Fantastika.

Iyan ang aabangan natin, dahil kahit anong kulit ko kay Perry Lansigan na manager ni Dingdong, wala pa siyang masasagot sa akin.

Ang pagkakaintindi ko lang sa sagot niya sa akin, may napag-usapan na raw sila sa Star Cine­ma at iyun nga ang masusunod.

Abangan na lang natin!

Show comments