Young actress nega na naman ang career sa pangde-dedma sa kanyang kadugo

Mula sa pagiging negatron ay gumanda na sana ang imahe ng isang young actress nang makipagkasundo siya sa isang taong dapat niyang tanawan ng utang na loob sa pagiging tao niya.

Matagal na naging nega ang young female personality, tinatawag siyang walang utang na loob at kapos sa respeto, kaya isang araw ay nagdesisyon siyang makipagkita na sa taong matagal nang naghihintay sa kanyang pagpapakumbaba.

Kuwento ng aming source, “Parang milagro ang nangyari, gumawa ng milagro sa career niya ang pakikipagkasundo niya sa taong isa sa mga dahilan kung bakit naging tao siya. Gumanda ang takbo ng career niya, nagkaroon siya ng magagandang projects, bentang-benta rin ang beauty niya sa mga TVC.

“Gumaan ang lipad ng karera niya, biglang nawala ang bitbit niyang kanegahan, tinanggap siya ng publiko dahil sa ginawa niyang panghihingi ng sorry sa nasaktan niyang mahal sa buhay,” umpisang kuwento ng aming impormante.

Pero ngayon nga ay may nakapagitan na namang pader sa kanila, hindi na naman sila nagkakausap, masama pala ang loob ng young actress dahil sa panghihimasok kuno ng taong ‘yun sa kanyang lovelife.

“Balik siya sa pagiging deadma ngayon. Ni hindi niya man lang kinukumusta ang taong dapat niyang pasalamatan dahil naging tao siya. As in, wala, mara­ming nakaraang okasyon na hindi man lang niya binabati ang taong inaakusahan niyang nakikialam kasi sa lovelife niya.

“Masamang-masama ang loob niya dahil kinausap daw kasi ng taong ‘yun ang boyfriend niya at pinagsalitaan. Kanino pa nga ba niya malalaman ang mga indo kundi mula rin sa lalaking mahal na mahal niya?

“Magmula nu’n, pinutol niya na naman ang communication nila ng taong kadugo niya, mas kinampihan pa niya ang boyfriend niya, samantalang pinagmalasakitan lang naman siya nu’ng taong dinededma niya ngayon.

“Negatron na naman ang girl, bina-bash-bash na naman siya ngayon. Maraming nagsasabing wala siyang consistency, nagmamaganda lang siya kapag meron siyang kailangan.

“Huwag naman sana siyang magsisi sa bandang huli. Huwag sana siyang mag-iiyak dahil maling kabayo pala ang tinayaan niya. Kapag nangyari ‘yun, saka pa lang niya maiintindihan na mas matimbang pa rin ang dugo kesa sa kahit ano,” madiin pang kuwento ng aming source.

Ubos!

Ayaw nang mag-umpisa ng gulo

James sa bola lang nakatutok ang buhay!

Pasok na ang Rain Or Shine sa semi-finals ng PBA. Parang Throwback Thursday ang naganap sa salpukan nila ng Globalport Batang Pier dahil ang nagpanalo sa ROS ay ang mga three points ni James Yap.

Throwback dahil ‘yun na ‘yun ang postura ng ama ni Bimby nu’ng kasagsagan ng kanyang basketball career sa Purefoods. Sa kahit anong anggulo at posisyon, kapag nagbato ng bola si James Yap, ay siguradong puntos na ‘yun para sa kanyang koponan.

Ganu’n mismo ang naganap sa do or die na paghaharap nila ng Globalport, si James Yap ang inasahan ng kanyang team, basta ibinato niya ang bola kahit pa gaano ‘yun kalayo aalingawngaw agad ang boses ng court announcer na “James Yap, three points!”

Habang pinanonood naming nagdidribol at nagsu-shoot si James ay naisip lang namin na ibang-iba talaga ang kanyang dedikasyon sa hanap­buhay na nagpabago sa estado ng kanilang pamilya.

Ano bang kontrobersiyal ang kanyang buhay dahil sa pangangalampag sa kanya ni Kris Aquino, ano bang nahuhusgahan siyang iresponsableng ama, basta ang utak at puso ni James Yap ay nakatutok lang sa bola.

Wala siyang pakialam kung i-bash man siya nang i-bash sa social media, ang kanyang konsentrasyon ay nakapako lang sa laro, ang iniisip niya lang ay kung ano ang magagawa niya para sa kanyang team para makapasok sila sa semi-finals.

Siya ang tinanghal na pinakamusay na manlalaro nu’ng gabing ‘yun. Nang hingan siya ng mensahe ng pasasalamat ng courtside reporter ay ang mga tagasuporta lang ng Rain Or Shine ang kanyang pinahalagahan.

Hindi niya hinandugan ng pananalo nila si Michela Cazzola at ang dalawa nilang anak. Mahirap na nga naman. Baka kapag nakalimutan niyang banggitin ang pangalan ni Bimby ay maging ugat na naman ‘yun ng kaliwa’t kanang pamba-bash sa kanya sa social media.

Paano pa kung maging sensitibo si Kris Aquino para sa kanyang bunso? E, di bagong kuwento na naman ang pagpipistahan ng buong bayan?

Tama lang ang ginawa ni James Yap. Less talk, less mistake, ganu’n.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Show comments