Cesar balak makipag-tie up sa hollywood actors!

Cesar

AiAi pinaghahandaan na ang natural na pagbubuntis!

PIK: Isang malaking pelikula ang pinaghahandaan ngayon ng Tourism Board Promotions ng Department of Tourism para lalong ma-promote ang turismo ng ating bansa.

Ini-launch ito sa awarding ng Cine Turismo noong nakaraang Huwebes, March 15 na ginanap sa Diamond Hotel. Ipinakita ang teaser ng napakala­king pelikula na pinamagatang Sultan Kudarat (The Unconquered Hero).

Sa teaser pa lang, kitang-kitang napakala­king pelikulang ito na pagbibidahan din ni Cesar Montano at siya rin ang magdidirek.

Napagkasunduan na raw nila sa Department of Tourism na every year ay gagawa sila ng isang ma­laking historical tourism film na idi-distribute sa ibang bansa, at magka-cast daw sila ng Hollywood actors.

Saad ng aktor at COO ng Tourism Board Promotions, “Ultimately ang dream ko malagyan ng casting from Hollywood eh. Ang distribution doon bago dumating dito.”

Itong Sultan Kudarat ang unang proyekto nila na sinisimulan pa lamang. Isa sa pinagpipiliang leading lady ay si Bea Alonzo, pero wala pa raw na-finalize.

Puspusan ang promo nila ng mga tourist destination sa pamamagitan ng mga pelikulang magpapakita ng tourist spots ng ating bansa.

Dagdag na pahayag ni Cesar, “We’re going to give handsome incentives sa mga pelikulang talagang magpu-promote ng mga tourist destinations natin.

“Halimbawa, ang pelikula mo ‘yung title halimbawa Coron, o Boracay o katulad ng Siargao, we’re going to help you. Willing ang Tourism Board na tumulong diyan.

“Willing kami to co-prod with other producers and to support them also kung saan sila sasaling international film festival. Basta ‘yung films talagang inclined sa turismo, ‘yung makakatulong talaga sa tourism.”

PAK: Seryoso si AiAi delas Alas sa pagma-manage ng mga magagaling na talents, at isa na nga rito ang sumisikat na rap group na Ex Battalion na nagpasikat ng mga kantang Hayaan Mo Sila, Come With Me, Sana Ikaw Na Nga, at marami pa na type na type ng millennials.

Nakapirma sa kanya ng dalawang taong kontrata at isa sa na-close ni AiAi ay ang endorsement ng grupo sa RRJ apparel.

Pormal silang ini-launch nung nakaraang Huwebes ng umaga, at nagkapirmahan sa kanyang restaurant sa Quezon City na Ai Sarap.

Pahayag ni Aiai, “More of mga lalaki ang ima-manage ko. Madali kasing i-manage ang mga lalaki eh. Ang mga babae kasi parati mo poproblemahin ‘yung gabi na, kasi by experience as a mother, ‘yung anak kong babae ang pinakanahihirapan ako.”

Parang anak daw talaga ang turing niya sa mga ima-manage niya, at madali raw i-handle ang mga lalaki.

Pero may mga ipinagbabawal siya sa talents niya na dapat huwag gawin para mapanatili ang pag-handle niya rito

Saad ni AiAi, “Sabi ko sa kanila, ito lang ‘yung ano na bibitawan ko kayo. ‘Pag kayo ma-involve sa drugs at sa sex video, wala na tayo. Tapos.”

Sure na sure raw siyang hindi nagda-drugs ang Ex Battalion.

“Malinis yan. Mukha lang nagda-drugs pero hindi. Ano lang mga ‘yan, mahilig lang sa ganyan, sa kain. Minsan umiinom, pero hindi naman naglala­sing,” dagdag niyang pahayag.

Bukod sa Ex Battalion, ima-manage rin ni AiAi si Jiro Manio, pero pinapapayat pa raw niya ngayon.

BOOM: Doon na rin sa launching ng Ex Battalion bilang bagong endorser ng RRJ ay ibinahagi sa amin ni AiAi na napagkasunduan na nila ng asawa niyang si Gerald Sibayan na mabubuntis siya sa November.

Pahayag ng Kapuso Comedy Queen, “Tatapusin ko lang lahat na mga projects ko, then by November magta-try na kami.”

Sabi niya sa natural na paraan daw ang pagbubuntis dahil keri pa naman daw niya. Pero ang gusto raw ni Gerald ‘yung hindi siya gaanong stressed sa trabaho para mapangalagaan niya ang kanyang pagbubuntis.

“May plano naman talaga kami. Pero pinapatapos niya muna kasi ayaw niya na haggard ako. Kasi ‘pag buntis ka, dapat alagaan ko ‘yun. Ayaw niya ‘yung stressed na stressed ako. Bawas na stress,” dagdag niyang pahayag.

May naisip na nga raw silang pangalan. Hindi raw siya humihiling ng boy o girl, basta healthy lang daw at cute.

Show comments