Ubusan pinipilahan!

Happy ang mga produ ng Trip Ubusan: The Lolas vs. Zombies dahil pinipilahan sa mga sinehan ang pelikula nina Paolo Ballesteros, Wally Bayola, at Jose Manalo.

Siyempre, mas maligaya ang tatlong lola ng Kalyeserye ng Eat Bulaga dahil sa mainit na pagtanggap ng publiko sa kanilang pelikula na nakakatawa, entertaining, at nakakaiyak.

Nakatulong ang word of mouth na maganda ang Trip Ubusan, pati na ang Grade A na ibinigay ng Cinema Evaluation Board (CEB) para pumila sa box-office ang mga tao.

May isang sinehan na binisita ang tatlong lola sa first day ng showing ng Trip Ubusan noong Miyerkules. Tuwang-tuwa sina Paolo, Wally, at Jose dahil puno ng manonood ang sinehan na pinasok nila.

Rachel hindi nasolusyonan ang nag-leak na gown

Super emote si Rachel Peters dahil nag-leak sa Internet ang picture ng long gown na gagamitin niya sa coronation night ng 66th Miss Universe sa November 26.

Imbyerna si Rachel dahil na-pre-empt ang pag­rampa na gagawin niya.

Kung ako si Rachel, hindi ako magre-react as in dededmahin ko ang isyu na nag-leak online ang litrato ng kanyang gown para mag-isip ang mga tao kung ‘yon ba talaga ang damit na isusuot niya o fake news ang kumalat?

Eh nag-react si Rachel kaya confirmed na totoo ang tsismis na may maha­dera na nag-post sa social media ng kanyang tightly-guarded gown na bongga ang design.

Wish ko lang, hindi naging transparent si Rachel. Imbes na magalit, sinabihan sana ni Rachel ang kanyang kampo at mga kakampi na mag-post ng maraming litrato ng gown para ma-confuse ang mga baklita kung alin ba talaga ang damit na gagamitin niya sa coronation night ng Miss Universe sa The AXIS ng Planet Hollywood.

Siraan sa Miss U talamak, Miss Haiti buntis daw, Miss South Africa nakipagtsugihan  sa judges?!

Parang eleksyon din ang mga beauty pageant dahil uso ang siraan sa mga kandidata.

Hindi lamang si Rachel ang biktima ng mga inggitera dahil may eskandalo rin na ibinibintang kina Miss Haiti Cassandra Chery at Miss South Africa Demi-Leigh Nel-Peters.

May kumakalat na tsismis na disqualified si Miss Haiti sa Miss Universe at pinauwi na siya dahil buntis. As of presstime, kasama pa rin ang name ni Miss Haiti sa official candidates ng 66th Miss Universe.

Matindi naman ang akusasyon kay Miss South Africa na strong contender sa Miss Universe 2017 crown.

Nang manalo siya na Miss South Africa, mabilis na kumalat ang tsismis na nakipagtsugihan si Demi-Leigh Nel-Peters sa male judges kaya nag-win ang dalaga at nakuha nito ang karapatan na i-represent sa Miss Universe ang bansa niya.

Gaya ni Miss Haiti, official candidate pa rin si Miss South Africa sa Miss Universe. Hindi pinaniwalaan ng organizers ang tsismis dahil ang feeling nila, sinasadya na wasakin at siraan si Miss South Africa bilang siya ang hinuhulaan na magiging successor ni reigning Miss Universe Iris Mittenaere.

Hindi nagpadala ng mga kandidata sa Miss Universe 2017 ang Denmark, Belize, Hungary, Kenya, Kozovo at Switzerland dahil hindi sila nagkaroon ng national pageant.

Nag-back out naman sa Miss Universe 2017 si Miss Sierra Leone Adama Kargbo dahil hindi ito nabigyan ng US visa kaya napilitan siya na huwag nang sumali.

May pananagutan ang organizer ng  Miss Sierra Leone sa nangyari kay Kargbo. Alam nila na idaraos sa Amerika ang Miss Universe pero hindi agad sila nag-apply ng US visa para sa kanilang official candidate.

Show comments