Bagitong retokado na astang pulitiko sa rami ng alalay, tapos na ang ilusyon!

Napakaliit na nga ng mundo ay mas pinaliliit pa ng isang feeling-sikat at feeling-guwapong bagitong personalidad. Palibhasa’y ngayon lang siya nakatikim ng atensiyon ng publiko ay hindi niya na alam kung paano hahawakan ang pinaniniwalaan niyang popularidad.

Ramdam agad kapag nasa paligid na ang bagito, amoy na amoy na agad ang kanyang kaangasan, para siyang pulitikong napapaligiran ng kanyang mga alalay. At sa gitna talaga siya pumupuwesto para hindi raw siya pagkaguluhan.

Kuwento ng isang source, “Ngayon lang kami nakakita ng isang sobrang hambog na tao kahit wala pa namang napatutunayan. Kitang-kita ang kawalan niya ng breeding, hindi nga siya puwedeng tawaging jologs dahil marami namang ganu’n na hindi magaspang ang ugali!

“Imagine, saan naman kayo makakakita ng isang tulad niya na kapag napapadaan ang tropa niya sa isang mataong lugar, e, para siyang modelong rumarampa para magpasikat?

“At meron siyang mga kasamang urot na tagasabi ng ‘Hindi n’yo ba siya kilala? Siya si ____(pangalan ng hambog na personalidad)! Magpapa-selfie ba kayo?’ May mga kasamang tagabenta sa kanya ang maangas na ‘yun!” dagdag na kuwento pa ng aming impormante.

Pero ngayon ay wala nang dapat ipagsaya ang hambog na bagito, upak mula umaga hanggang gabi ang inaabot niya, kapag minalas-malas pa siya ay baka siya mabugbog ng mga tagasuporta ng artistang pinipintas-pintasan niya.

“Huwag siyang pakalat-kalat ngayon, baka makita na lang siyang bugbog-sarado dahil sa ginawa niyang pambabastos sa isang sikat na female personality. Hindi niya hawak ang utak ng mga nagmamahal sa artistang binaboy niya!

“Masamang-masama rin ang loob niya ngayon dahil pati ang mga taong dapat na nagmamalasakit sa kanya, e, bumitiw na sa pag-aalaga sa kanya. Na dapat lang naman, dahil ilalagay sila sa alanganin ng maangas na ‘yun!

“’Yung ganu’ng klase ng tao ang puwedeng sabihan ng nalunod sa isang kutsarang tubig. E, wala pa nga siyang napatutunayan, ni hindi pa nga siya artista kung tutuusin, pero kung makaasta siya, e, sobrang feeling-sikat na siya!

“Utoy, manalamin ka dapat, titigan mong mabuti ang fezlak mo, du’n mo malalaman na pati ang salamin kung meron lang paa, e, baka sinipa ka na! Iparetoke mo ang ugali mo!” inis na inis na pagtatapos ng aming source.

Ubos na ubos!

Kathryn sumalang sa taping kahit may sugat!

May ginawang TVC (TV commercial) shoot si Kathryn Bernardo nu’ng isang araw. Puring-puri siya ng buong team ng ahensiyang gumagawa ng commercial dahil kahit puyat at pagod ang young actress sa taping ng La Luna Sangre ay hindi niya binigyan ng problema ang grupo.

Kahit ang mga katrabaho niya sa serye ay walang problema kay Kathryn, nu’ng minsan ngang nasugatan siya nang hindi sadya ay hindi nag-inarte ang batang aktres, ginamot lang ang sugat at pagkatapos nu’n ay sumalang na uli siya sa maaksiyong tagpo sa La Luna Sangre.

Pagkatapos ng taping ay saka kumirot ang sugat, nu’n lang niya sinabi sa kanyang mommy ang nangyari, nasaktan siya pero wala siyang sinising kahit sino sa set.

Nakapasok sa ABS-CBN si Kathryn Bernardo nang walang backer. Wala siyang kakilala sa network, talento ang ipinuhunan niya sa popularidad na hawak niya ngayon, nag-audition siya sa mga programa ng istasyon.

Hindi niya inani nang magdamagan lang ang popularidad at lahat-lahat ng magagandang oportunidad na tinatamasa niya ngayon, napakatagal ng kanyang ipinaghintay, kaya mahal na mahal ng young actress ang kanyang trabaho.

Nakakalungkot lang isipin na kung sino pa ang walang alam tungkol sa kanyang pinagdaanan ang may malakas na boses pa para ibagsak si Kathryn. Hindi niya niretoke lang ang kanyang karera, pinagsakripisyuhan niya ‘yun, hindi mabilang na mga gabi ang ginawa niyang araw para lang matupad ang kanyang mga pangarap.

Naiintindihan namin ang tahimik lang na pag-iyak ng kanyang ina, ang inis na nararamdaman ng kanyang mga kapatid, ang pigil na pigil na emosyon ng kanyang ama.

At kahanga-hanga ang pananahimik lang ng dalaga. Ibang-iba ang batang nasubaybayan ng mga magulang ang paglaki. May values, may breeding, may kakambal na kagandahang-asal kahit saan siya magpunta.

Ang lahat ng mga katangiang ‘yun ay buhay na buhay sa katauhan ni Kathryn Bernardo.

Show comments