Misis na-in love sa kakambal ng mister

MANILA, Philippines -  Ngayong Sabado (August 19) sa Magpakailanman, hayaan niyong paiyakin, patawanin at pakiligin tayo ng kuwento ni Connie, ang noo’y happy and contented wife and mother na namumuhay kasama ang kanyang dalawang anak at ang love na love niyang husband na si Jak. Pero nang mabalitaan niyang may ibang girl si Jak, kahit hindi naman confirmed, ay nilayasan niya ito kasama ang dalawa niyang anak.

Ikinalungkot ni Jak ang pag-iwan sa kanya ni Connie. Lingid naman sa kaalaman ni Connie, may malubhang sakit na pala si Jak. Siyempre, dahil mahal na mahal naman niya ang kanyang asawa, bumalik na ulit si Connie kay Jak para alagaan ito. Ngunit sa kasamaang-palad, namatay din si Jak.

Ang hindi alam ni Connie, umuusok na pala sa galit sa kanya ang twin brother ni Jak na si Jill. Isinisi kasi ni Jill kay Connie ang pagkakasakit ni Jak dahil sa pang-iiwan nito kay Jak at pagpapakasilaw daw sa malaking kinikita.  Nakatikim tuloy si Connie kay Jill ng masasakit na salita noong una nilang pagkikita, na ikinasama na din ng loob ni Connie.

Iyon na ang simula ng aso’t pusang bangayan nina Connie at ng kakambal ni Jak na si Jill. Tinulungan naman si Connie ng nanay ni Jak para mag-alaga sa kanilang mga anak. Pero dahil dito, kinailangan tuloy nilang magsama ni Jill sa iisang bubong.

Matatapos pa kaya ang giyera sa pagitan ng dalawa? Paano kung dahil kay Jill ay hindi makalimot si Connie sa namatay niyang pinakamamahal na asawa? Mahulog kaya siya ng tuluyan?

Itinatampok sa episode na pinamagatang Kambal Na Pagmamahal: The Connie Guarino Story sina Katrina Halili, Dion Ignacio at Ms. Gina Alajar. Kasama din sina Djanin Cruz, Leanne Bautista at Bryce Eusebio.

Mula sa direksyon ni LA Madridejos, huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA-7. 

 

 

Show comments