^

PSN Showbiz

Said na said ngayon kilalang personalidad naipusta pati susi ng kotse!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Pinagpistahan sa isang malaking umpukan isang umuulang gabi ang isang kilalang male personality na napakalaki ng ipinagbago ng takbo ng buhay. Nangarap naman kasi siya at nagsikap.

Nagsunog naman siya ng kilay para matupad ang gusto niyang mangyari sa kanyang kinabukasan. Palibhasa’y galing sa hirap, ang sentro ng utak ng male personality nu’n ay ang maiangat ang antas ng buhay ng kanyang pamilya, wala nang iba.

Pero nang makilala na siya at palarin pa sa isang larangan ay parang nakalimot ang lalaking personalidad, madali siyang naimbitahan ng mga tukso, hanggang sa maging laman na siya ng lugar na maingay at mausok para magsunog ng salapi.

Sabi ng aming source, “Hindi mo talaga masasabi kung ano ang magiging future mo lalo na kung hindi ka maingat sa paghawak ng pera. Imagine, nu’n, palagi siyang laman ng mga car shows. Mahilig kasi siya sa sasakyan.

“Madalas siyang magpalit ng kotse, kung ano ang uso, kung ano ang pangyayamanin, gusto niya ring magkaroon. Maraming masaya para sa kanya, kasi nga, pangnobela ang pinagdaanan niyang buhay.

“Pero ngayon, isa-isa nang nawawala ang mga sasakyang ipinundar niya. Ibinebenta na niya dahil nasimot ang dating namimintog niyang bulsa. Ang mga properties niya, unti-unti na ring natutunaw ngayon.

“Wala talagang magandang nagagawa sa buhay ang pagsusugal. Matindi siyang maglaro, pati susi ng car niya, pumapagitna sa mesa ng casino.

“Umuuwi siyang naka-taxi na lang dahil naisangla na niya ang car niya sa mga nagpapautang sa casino. Ang masaklap pa, e, hindi na siya active sa pag-aartista ngayon, wala na rin siya sa posisyon, ano ang kahihinatnan niya?

“Balik na naman siya sa dati, ngangang-nganga? Hindi naman siya makalapit at makapanghingi ng tulong sa taong malapit nu’n sa kanya. Galit sa kanya ang taong ‘yun, dahil inupakan niya nang pailalim!

“Sayang na sayang ang taong ‘yun. Pinagbuksan na nga siya ng pintuan ng suwerte, pero siya rin ang nagsarado!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Jiro milyones ang ginastos sa tinakasang rehab

Walang utang na iniwan si Jiro Manio sa rehabilitation center sa Bataan na pinagdalhan sa kanya ni AiAi delas Alas. Malinis ang kanyang kartada, binayaran ng Philippine Comedy Queen ang pinakahuling sentimong nakonsumo ni Jiro habang nasa rehab siya, wala na siyang iintindihin.

Nagpilit na makalabas sa rehab ang magaling pa naman sanang aktor, mas gusto na raw niyang manatili sa piling ng kanyang pamilya, wala namang masama sa gusto niyang mangyari.

Nasa wastong edad na si Jiro ngayon, responsable na dapat siya sa kanyang kinabukasan, kahit pa hindi kumpleto ang proseso ng kanyang gamutan sa rehab.

Buhay niya ‘yan, mas pinili niyang lumabas na sa rehab, babalik na lang daw siya du’n kapag makaramdam siya ng cravings uli. Kung sino ang sasagot sa gastos kung sakaling babalik siya sa center ay hindi malinaw sa mensaheng ipinadala niya sa isang doktor.

Wala nang pamimilian si AiAi kundi ang pabayaan na lang si Jiro, gusto man nitong manatili pa sana sa center ang aktor para mas gumanda pa ang sitwasyon, hanggang sa paggabay at pangaral lang ang kanyang magagawa.

Si AiAi ang gumastos nang milyones para sa pagpapagamot ni Jiro, isini­singit nito ang mahalagang panahon para sa pagdalaw sa aktor sa center, pero kung gusto nang lumabas ni Jiro ay hindi ‘yun saklaw ng komedyana.

At sana nga, harinawa, ngayong kasama na uli ni Jiro ang kanyang pamilya ay maging responsable at disiplinado na siya. Huwag na sana uli siyang makitang palakad-lakad nang walang direksiyon sa airport, hindi na sana niya uli gawin ang pagkatok sa bahay ng kanyang mga kaibigan sa showbiz para humingi ng tulong na pampinansiyal, magpakadiretso na sana siya ngayon.

Huwag isangkalan ang pagiging produkto ng isang broken family. Hindi lang siya ang nagkaganito. Napakaraming nakapaloob din sa ganyang sitwasyon na nagtagumpay.

Tayo pa rin ang kikilos at magdedesisyon para sa ating sarili. Hindi ibang tao. Hindi ang sitwasyon.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with