Pamilya at pananampalataya sa Holy Week special ng lS

MANILA, Philippines - Nakakaantig na mga kwento at aral tungkol sa pagmamahal para sa pamilya at tibay ng pananampalataya ang handog ng hosts ng It’s Showtime ngayong Holy Week special nito mula Lunes hanggang Miyerkules (Abril 10-12).

Bumida noong Lunes sina Vhong Navarro at Jhong Hilario bilang half-brothers at anak ng kanilang ama (Joey Marquez) na susubukin ng selos at inggit ang relasyon bilang magkapatid.

Gaganap naman bilang isang guardian angel si Anne Curtis ngayong Martes na may itinalagang misyon. Maibalik pa kaya niya sa tamang landas si Zach (Enchong Dee) at mapalakas ang pananampalataya nito matapos ang isang matinding pagsubok sa pamilya?

Magsasama sa Miyerkules sina Karylle, Billy Crawford, at Amy Perez na gaganap bilang mga magulang na nagsisikap na ipagsabay ang mga responsibilidad sa trabaho at tahanan. Sa kabila ng puspusang pagtatrabaho para sa kinabukasan ng pamilya, gaano nga ba kahalaga ang paglalaan ng oras sa mga anak?

Sa parehong araw, matutunghayan ang kwento ng pagmamahal ng tatlong lola at kanilang apo na pagbibidahan ni Vice Ganda. Sa kwentong ito, ibabahagi sa mga manonood ang pagpapahalaga sa mga taong minamahal habang sila ay nabubuhay pa.

Samahan ang buong pamilya ng It’s Showtime sa Holy Week special mula Lunes hanggang Miyerkules (Abril 10-12) ng tanghali sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (Skycable ch 167). 

Show comments