Angel hindi na makalipad dahil sa katawan; Liza sure na raw sa Darna!; MTRCB titiktikan ang mga bus ngayong Semana Santa

PIK: Kasabay ng pag-observe ng Semana Santa, mag-iikot naman ang board members ng Movie and Television Review and Classifica­tion Board (MTRCB) sa mga bus terminal para i-check ang mga pelikulang mapapanood ng mga pasahero sa loob ng bus.

Mag-uuwian kasi ang karamihan sa mga kani-kanilang probinsya kaya gusto lang tiyakin ng mga taga-MTRCB na rated G (General Audience) o PG (Parental Guidance) ang mapapanood ng mga pasahero na malamang ay may mga kasamang bata.

Sa April 10, Lunes ay mag-iikot sila sa mga bus terminal sa Cubao, at sa April 11, Martes ay sa Manila area naman sila mag-iikot.

PAK: Mamayang gabi na sa Music Museum ang concert ng bagong alaga ni Tita Anabelle Rama na si Kara Mitzki.

Ka-back to back ni Kara rito si Michael Pangilinan kaya tinawag nilang 56K with Kara and Khel ang concert kung saan special guest nila si Vice Ganda kasama sina Hashtag Nikko, Sam Mangubat, Kiel Alo, Exekiel, at Duncan Ramos.

Nilinaw ni Kara na hindi niya ginagamit si Ellen Adarna para mapag-usapan lang. Pero tinitiyak daw niyang matatalbugan niya si Ellen sa gagawin niya sa concert.

Hindi lang daw niya masabi kung gaano ka-daring ang isusuot niya, pero titiyakin daw niyang matataypan ng mga kalalakihan at ikakaloka ito ng mga kabadingan.

Dinig namin susuportahan ng mag-inang Laarni Enriquez at Jake Ejercito ang concert na ito na prinodyus ni Jobert Sucaldito.

BOOM: Ang daming nagpa-survey kung sino ang posibleng gaganap na Darna at karamihan ay si Nadine Lustre ang nangunguna. Lumalaban din si Liza Soberano, pero ang latest na narinig namin from a very reliable source, mukhang si Liza na raw talaga ang gaganap bilang Darna.

Tinanong namin ang manager ni Liza na si Ogie Diaz, pero hindi niya kami sinagot.

Sinagot ni direk Erik Matti ang text message namin, pero nasa ABS-CBN 2 naman daw ang desisyon.

Sa ngayon ay peripheral casting pa lang daw ang inaayos nila. Kaya wala pa siyang maibigay na statement tungkol sa Darna.

Samantala, may narinig din kaming ibang kuwento kung bakit hindi na si Angel Locsin ang napiling mag-Darna. Bukod sa kanyang karamdaman, may ibang dahilan pa raw kung bakit hindi na siya ang gaganap sa nasabing superhero.

Kapansin-pansin din ang pagdagdag ng timbang ng Kapamilya actress pero madali naman magpapayat kung talagang siya na nga ang gaganap.

Show comments