MTRCB Chair pumiyok na kay Mocha!

PIK: Congratulations kay AiAi delas Alas sa nomination niya sa kategoryang Best Female Actor sa Queens World Film Festival sa New York para sa pelikulang Area na idinirek ni Louie Ignacio.

Nominated din si Direk Louie sa natu­rang filmfest, at baka siya raw ang a-attend sa festival sa susunod na buwan. Hindi p­uwedeng umalis si AiAi dahil sa Sunday PinaSaya at regular taping sa Hay Bahay.

Sabi  ni AiAi, ang ganda ng salubong ng Lunes sa kanya dahil sa magandang balitang nakarating, lalo na’t mala­king filmfest daw ito sa New York, at sila lang ang Pinoy na nominated.

Natutuwa rin siya sa rami ng pumuri sa nakaraan niyang #HugotPlay­list concert dahil ang laki ng in-improve niya sa pagkanta.

“Nagtaka na rin nga ako bakit marunong na ako kumanta,” natatawang sagot sa amin ni AiAi.

PAK: Hindi napigilan ni Edgar Allan Guzman ang maglabas ng sama ng loob sa Board Member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Mocha Uson dahil sa sinabi nitong basura ang episode na ginawa niya sa Ipaglaban Mo. Kinuwestiyon kasi nito sa kanyang blog kung bakit nakalusot ang rape scene sa nasabing episode. Bahagi ng episode na iyon si EA at nasaktan siya sa sinabi ni Mocha na ‘basura’ itong Ipaglaban Mo.

Naglitanya pa ang Kapamilya actor ng mga nagawang pelikula ni Mocha na mas masahol pa raw sa ginawa niyang episode.

Hinaing niyang irespeto raw sana ang mga artista at trabaho nila maging ang tamang proseso ng pagbatikos sa mga ganitong isyu na dapat ay nasa ayos.

BOOM: Nakausap namin ang bagong chairman ng MTRCB na si Atty. Rachel Arenas kaugnay sa isyu ni Mocha sa radio program naming Showbiz Talk Ganern kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni Chairman Arenas na magkakaroon daw ng meeting ang adjudication committee na naka-schedule kahapon para mapag-usapan ang isyung ipinarating ni Mocha sa kanyang blog.

Dahil nga raw sa reklamo ni Mocha, muli nilang ni-review ang episode ng Ipaglaban Mo.

Pahayag ng MTRCB Chair, “We act on it po right away kasi mayroon naman po kaming tinatawag na adjudication committee.

“Yung 30 member na ‘yun, we’re a collegial body. So, kung meron mga issues na dapat pag-usapan, usually po in the past, nagkakaroon po tayo ng majority consensus.”

Nagkaroon sila ng meeting nung nakaraang linggo, pero hindi napag-usapan dahil wala si Mocha.

Sa tingin namin, mas mabuting doon muna sa kanilang meeting ipinarating ni Mocha ang kanyang isyu dahil mas napag-uusapan at nabibigyan ng aksyon, kesa magsumbong siya sa kanyang blog na kaagad ipinarating sa mga sinasabi niyang ‘ka-DDS’.

Show comments