Aktres ginamit ang utak para hindi mabakante!

Tuloy ang rigodon ng mga artista ng ABS-CBN at GMA-7 dahil may lilipat o babalik na naman sa Kapuso Network galing sa Kapamilya Network. Maayos na nagpaalam ang aktres sa ABS-CBN na lilipat o babalik muna siya dahil tapos na naman ang show nito at wala pang maibigay na bagong show sa kanya.

Maganda ang ginawa ng aktres at manager nito na hindi pumirma ng exclusive contact sa kahit anong network dahil nakakalipat siya at nakakapili ng project. Kaya naman, lahat ng project nito ay magaganda at higit sa lahat, hindi siya nababakante.

May show nang nakahanda ang aktres sa Kapuso Network at next year ang airing.

Jean nagpapa-tweetums sa relasyon nila ni Jomari

Hindi masagot nang diretso ni Jean Garcia ang tanong na nakita silang magka-holding hands na naglalakad ni Jomari Yllana sa Solaire. Ang sabi nito noong una, nanood siya ng show nina Radha kaya siya nasa Solaire.  “We’re good friends. Magkasama kami sa The Half Sisters for two years. He invited me to watch the concert,” sagot ni Jean sa blogcon para sa Mano Po 7: Chinoy

na kung papansinin, hindi talaga sagot sa tanong ang sinabi. Iniwasan na rin nitong i-elaborate ang sagot, kaya may duda ang mga nasa presscon kung talagang friends lang sila ni Jomari.

Panay naman ang pasasalamat ni Jean sa Regal Films dahil nagkaroon siya ng chance to be working with Richard Yap, Janella Salvador, Marlo Mortel, at Enchong Dee na puro taga-ABS-CBN.

Sa December 14 na ang simula ng showing ng Mano Po 7 at wish ni Jean at ng buong cast, maging blockbuster ang movie.

Naikuwento ni Mother Lily Monteverde ang reaction ng mga taga-Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na nag-review sa Mano Po 7. Sabi raw ng MTRCB, ang Chinoy ang best Mano Po movie.

Kasama ring ibinalita ni Mother Lily na bukod sa parade sa December 9 bago ang premiere night, may isa pang parade na magaganap sa Dec. 11, 4 p.m., sa Binondo.

May tour din ang cast sa Fil-Chinese school sa Binondo to promote the movie.

Luis respetado ang mga bading at tibo

Si Luis Alandy ang gumaganap na isa sa mga nagmahal kay Paolo Ballesteros sa Die Beautiful, pero hindi nito sinagot kung may kissing scene sila ni Paolo.

Kuwento ni Luis, nang unang i-offer sa kanya ang movie, kahit hindi pa niya nababasa ang script at sinabi pa lang sa kanya ng manager na si Noel Ferrer, pumayag na siya at tinanggap ang pelikula.

“I’m very proud of this movie, very proud,” sabi ni Luis.

Mamahalin ng LGBT community si Luis sa sinabing nirerespeto niya ang mga ito, mataas ang pagtingin niya sa kanila, at kinikilala niya na marami sa kanila ang successful sa negosyo.

Ruru hindi maalis ang titig kay Gabbi

Kabilang sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa mga dumalo sa debut ni Gabbi Garcia last December 6. Ang gandang tingnan ng mag-asawa na pareho ang suot. Si Marian ay kasama ni Gabbi sa Sunday PinaSaya at karamihan sa taga-SPS ay imbitado sa party.

Present din ang mga taga-Encantadia at ilan sa kanila ay kasama sa 18 roses. Si Ruru Madrid ang pang-17th dance ni Gabbi at sa na-post na picture habang magkasayaw sila, grabe kung makatitig sa ka-love team ang aktor.

Naalala namin ang pag-a-“I love you” on the air ni Ruru at ang birthday wish nitong maging kanya na si Gabbi. Kaya lang, sabi ni Gabbi, hindi pa rin siya puwedeng mag-boyfriend, pero kung si Ruru ang manliligaw at magiging first BF ni Gabbi, papayag siguro ang parents nito.

Show comments