Alang-alang sa career female personality, itinali ang sariling bibig!

Sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ay naging paksa ang isang pamosong female personality at ang kanyang sitwasyon ngayon. Mahirap ang posisyon ngayon ng aktres sa mga nagaganap sa ating bayan.

Kung babalikan kasi ang kasaysayan ng pamilya ng female personality ay malapit sila sa pamilyang nalalagay sa alanganin ngayon dahil sa pag-aalburoto ng ating mga kababayan.

Palagi silang magkakasama nu’n sa mga pagtitipon, meron silang regular na komunikasyon, pero namroblema ang female personality dahil nasa kabilang ibayo naman ang posisyon ng kanyang mister.

Naiipit ngayon sa dalawang nag-uumpugang bato ang pamosong female personality, wala siyang maibigay na opinyon, dahil kapag nagsalita siya ay siguradong pagpipistahan siya at gagawing pulutan sa social media.

Kuwento ng isang nasa umpukan, “Nakatali ang dila niya ngayon, kasi nga, saanman siya magpunta, e, siguradong makakatikim siya ng upak mula sa mga netizens. Nakakaawa naman siya.

“Gusto niyang sabihin ang nasa loob niya, pero surely, hindi siya maiintindihan ng mga kumokontra sa pamilyang malapit sa family niya. At ang the height, baka sila pa ng asawa niya ang magkaproblema!” napapailing na sabi ng impormanteng kabisado ang kartada ng pamilya ng sikat na female personality.

Para wala na lang siyang mas problemahin pa ay nananahimik na lang ngayon ang babaeng personalidad, nagbibingi-bingihan na lang siya, kahit pa meron siyang gustong ipagsigawan sa buong mundo.

Huling sultada ng aming source, “Alam niya kung ano’ng mangyayari sa kanya kapag ginawa niya ‘yun, siguradong gagawin siyang target ng mga kumokontra sa pamilyang gusto niyang ipagtanggol.

“Meron man siyang gustong sabihin, e, mananahimik na lang siya dahil ‘yun ang kailangan para sa career niya!”

Ubos!

KSP na si Baron at jobless na si Kiko maraming naisahan!

Maraming napaikot si Baron Geisler. Pati mga pulis at news reporters ay napasakay niya sa kanyang kalokohan. Naniwala ang buong bayan na totoo ang sagupaan nila sa isang bar ni Kiko Matos pero scripted lang pala ‘yun.

Isang kulang sa pansin na si Baron at isang naghahanap ng trabahong si Kiko Matos ang nagpaikot sa publiko na totoong-totoo ang kanilang upakan.

Ngayon ay lumalabas na ang totoo, sadya nilang pinlano ang kanilang sapakan para sa publisidad at negosyo, nagbuo sila ng isang proyekto na tampok ang kunwa-kunwarian nilang away.

Utak ni Baron ang gumana sa kabuuan ng kanilang gagawin, pumayag naman si Kiko Matos na walang career, ayan nga naman at nakapagbuo sila ng proyektong mapapanood na ngayon.

Hanggang ganyan na lang talaga ang magagawa ni Baron Geisler dahil sa inilabas na resolusyon ng PAMI. Gusto man niyang magtrabaho ay malilimitahan na ‘yun dahil wala nang kahit sinong alaga ng mga opisyales at miyembro ng PAMI ang makikipagtrabaho sa kanya.

Ayon kay Baron ay handa siyang maghintay, pero hindi ang PAMI ang magdidikta sa kanyang pagbabalik-trabaho, siya mismo bilang may katawan ang kailangang gumawa ng hakbang para maging maayos na ang takbo ng kanyang buhay at career.

‘Yun ang kailangan niyang patunayan, ilang beses na kasi siyang nangangako na titigilan na niya ang kanyang bisyo, pero hanggang pangako lang naman ‘yun na napapako.

Palagi pa rin siyang lasing, kahit sa hanay ng kanyang trabaho ay langung-lango siya, du’n nagsisimula ang mga pinaggagagawa niyang kabastusan.

Nasa tamang huwisyo ba ang isang taong ginagawang kubeta ang katawan ng kanyang kapwa aktor? Nasa tamang pag-iisip ba ang taong basta na lang magsisisigaw at maghahamon ng away at babastusin ang mga taong wala namang ginagawang masama sa kanya?

Sige nga!

Show comments