Angelica mas gumanda nang tantanan ang kamalditahan

Angelica

Hindi lang si direk Marjo J. delos Reyes ang nagpahayag ng hanggang langit na papuri sa kagalingang umarte ni Angeli­ca Panganiban sa tumatabong pelikula ngayon sa takilya na The Unmarried Wife kundi maging ang King of Talk na si Boy Abunda. Napakagandang pagmasdan ni Angelica habang si­na­sagot ang mga katanungan sa kanya ng TV host. Mukhang kampante siya sa mga papuri na naririnig niya kasabay ang malakas na pagtangkilik sa kanyang pelikula na kahit kasama sina Dingdong Dantes at Paulo Avelino.

Obvious na hindi pa nakaka-move on ang aktres sa naging hiwalayan nila nina John Lloyd Cruz, pero she’s on the road to recovery. Napakaganda niyang pagmasdan nang hindi siya nagma­maldita, at walang mga parinig sa kanyang pagsasalita.

Jasmine naungusan na si Anne sa ‘katomboyan’

Naunahan ba ni Jasmine Curtis Smith ang kanyang ate Anne Curtis na maging Best Actress sa ginanap na Cinema One Originals Film Festival? Napanalunan ng naka­­ka­batang Curtis ang kanyang award sa pag­ganap niya bilang lesbyana sa Sana Bukas.

Nagkaroon pa sila ng kissing scene ni Louise delos Reyes na sinabi niyang hindi magiging huling kissing scene niya with ano­ther girl. Kapag inalok siyang muli ng kaparehong eksena ay tatanggapin niya basta may magandang istorya at kailangan ang eskena sa role niya. Okay sa ‘yo, Anne?

Atty. Persida  handa na sa SC!

Dapat ay matuwa ang supporters ng chief ng Public Attorney’s Office (PAO) na si Atty. Persida Acosta. Isa kasi siya sa mga binibigyan ng konsi­derasyon ni Pangulong Rody Duterte para maupo bilang Associate Justice ng Supreme Court. Isa itong napakalaking posisyon na iniiyakan ng marami kasama na ang mga miyembro ng Philippine Mo­vie Press Club (PMPC) na sa tuwina ay hinahabol siya para hingan ng legal assistance o advice. Maiistorbo pa ba nila ito kapag nasa Supreme Court na siya?

Si Sen. Miguel Zubiri ang nag-nominate sa kanya sa Judicial Bar and Council. Nagsilbing pa­ma­­maalam niya sa mga entertainment writer ang napakaagang Christmas celebration lunch.

Inamin ni Chief Acosta na magiging lubhang abala na siya sa mga susunod na araw sa paghahanda para sa bago niyang posisyon.

Hindi takot si Chief Acosta sa pagbibigay ng kanyang mga pahayag sa maraming kontrobersyal na isyu gaya ng same-sex marriage, Marcos burial, at ‘yung lalaking pinagkaitan ng pagkakataon na maka-graduate sa Philippine Military Academy (PMA). Kapag napasama siya sa grupo ng nagpapatupad ng batas sa Supreme Court, malaki ang magiging kalamangan ng kaalaman niya sa batas bilang 4th placer sa 1989 Bar Exams at ang pagpapatupad ng mga batas na may malaking puso.

Langit… tinambakan ng loveteam

Ilang pareha ang tampok sa bagong serye ng ABS-CBN na Langit Lupa. Bukod sa pinasisikat na loveteam ng Kapamilya na binubuo nina Tommy Esguerra at Miho Nishida pati nina Jairus Aquino at Sharlene San Pedro ay may bagong tambalan ng child performers na sina Yesha Camille at Xia Vigor.

Tampok din sa serye ang tandem nina Patrick Garcia at Jason Abalos matapos ang matagum­pay nilang pagsasama sa Two Wives. Kasama rin dito sina Yam Concepcion at Ellen Adarna.

Show comments