Boyet nakatanggap ng perfect birthday gift!

Boyet

Lucky guy si Christopher de Leon dahil sa bagong product endorsement niya, ang Personal Collection para sa Revitalife Coffee.

Happy ako para kay Boyet at siyempre, masaya rin siya dahil sa mga biyaya na dumarating sa kanya. Perfect na birthday gift kay Boyet ang product endorsement dahil nagdiwang siya ng kaarawan noong October 31.

Iba talaga kapag hindi matatawaran ang credibility ng isang artista dahil patuloy sila na pinagtitiwalaan ng mga kompanya at higit sa lahat, ng publiko.

LT certified loyalista

Nakatanggap din ng biyaya si Lorna Tolentino dahil nag-renew siya ng kontrata bilang celebrity endorser ng Watsons Philippines.

Pareho sina Boyet at LT na pinagtitiwalaan dahil sa kanilang mga kredibilidad bilang mga product endorser.

Loyal din ang dalawa sa mga produkto na iniendorso nila dahil hindi sila tumatangkilik sa iba. Forever loyal si LT sa Watsons dahil dito niya binibili ang lahat ng mga gamot at beauty products na kailangan.

Bagong presidente ng Amerika wini-wish na makasundo ni Digong

Natutok ang lahat sa halalan kahapon ng bagong pangulo sa Amerika.

Kung botante ako sa US, si Hillary Clinton ang iboboto ko dahil type ko siya na maging first female president ng Amerika.

Maraming Filipino-Americans ang lumahok sa halalan sa US pero hati ang kanilang mga boto, may mga Pinoy na loyal kay Clinton at may mga Pinoy na type si Donald Trump na ikinukumpara nila kay President Rodrigo Duterte dahil parehong prangka at ayaw magpaawat ang dalawa.

Wish ko lang na maging kaibigan ng Pilipinas at ni Papa Rody na hindi itinatago ang pagkaimbyerna sa Amerika si Donald Trump na siyang nagwagi.

Marcos paglalamayan muna sa Ilocos

Hindi pa sinasabi ng Marcos family ang mga plano nila tungkol sa paglilibing kay ex-President Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani  matapos ang kontrobersyal na resulta ng mga boto ng mga justice ng Supreme Court.

Pero sure ako na ibuburol ang labi ng dating pangulo sa Paoay, at Batac, Ilocos Norte dahil ito ang sinabi ni ex-Senator Bongbong Marcos sa thanksgiving lunch nito noon sa entertainment press.

Tiniyak ni Papa Bongbong na magkakaroon ng lamay sa mga bayan sa Ilocos Norte na malapit sa puso ng kanyang ama bago ito ihatid sa Libingan ng mga Bayani.

Ang Sarrat ang birth place ni President Marcos pero lumaki at nagkaisip siya sa Batac, Ilocos Norte.

Bong buhay na buhay

Sa mga nagtatanong tungkol sa health condition ni ex-Senator Bong Revilla, Jr., bumubuti na ang pakiramdam niya matapos sumpungin ng migraine at magsuka noong Sabado.

Pinayagan si Bong ng Sandiganbayan na manatili sa ospital hanggang kahapon at babalik lamang siya sa detention cell niya sa PNP Custodial Center kapag nagbigay ng go signal ang kanyang mga doktor.

Nag-alala ang fans at supporters ni Bong nang kumalat ang balita na natsugi siya noong Martes. Hindi totoo ang tsismis na mabilis na pinabulaanan ng kampo niya.

Natukoy na ng mga kinauukulan ang source ng imbentong balita na idinamay pa ang Philippine National Police dahil ito ang itinuro na source ng tsismis.

Uulitin ko, mabuti na ang kalagayan ni Bong kaya walang nang dapat ipag-alala ang mga nagmamahal sa kanya.

Show comments