Mayor Erap hindi pa rin alam na apo ang anak ni Andi James ‘pinatawad’ na si Kris!

Michela, Baby MJ, at James Yap

PIK: Na-move na naman ng November 17 ang arraignment kay Mark Anthony Fernandez.

Dapat ay arraignment na niya kahapon sa Angeles City pero hindi na naman daw ito natuloy.

Hindi lang namin nakuha ang buong detalye, pero may isa siyang kaso na nagpa-inhibit ang judge kaya ira-raffle na naman ito para makakuha ng bagong judge.

Maaga pa lang ay nandun na si Alma Moreno para samahan ang kanyang anak. Pagkatapos ng hearing ay tumuloy siya sa taping ng Tsuper Hero, at babalik siya sa Pampanga pagkatapos.

Medyo hirap si Alma sa pabalik-balik ng Pampanga, pero kailangan daw niyang gawin dahil ayaw magpaiwan ni Mark. Napapanatag daw ito kapag kasama niya ang kanyang ina. Hindi naman makatigil si Alma nang matagal sa kulungan pero okay na raw si Mark basta alam lang nito na nandun sa Pampanga ang Mama niya.

PAK: Hinihintay ni Laarni Enriquez ang statement ni Andi Eigenmann patungkol sa pagiging ama ni Jake Ejercito sa anak nitong si Ellie.

Hindi raw sila magdadalawang-isip na tanggapin ng buong-buo si Ellie bilang bahagi ng kanilang pamil­ya. Pero mukhang hindi pa rin alam ni Manila Mayor Joseph Estrada ang buong pangyayari, kaya dapat ay ipagtapat din ito ni Jake.

Inalay naman ni Jake kay Ellie ang Best New Male Artist Award na natanggap niya mula sa Star Awards for TV.

BOOM: Masayang-masaya si James Yap nang makausap namin sa telepono kamakalawa lang. “Sobrang saya ko dahil nakita ni Bimby ‘yung baby brother niya,” bulalas ni James.

Hindi raw siya makapaniwala nu’ng una nang makatanggap siya ng text message mula kay Kris Aquino kung puwede silang pumunta ni Bimby para makita ang baby brother nito.

Pagkadating daw agad ng mag-ina, tumakbo si Bimby sa itaas para makita si Baby MJ. “Pagdating, gusto niya umakyat agad sa taas, gusto niya makita.

“So, sobrang happy.

“Nilalaro niya. Hinahawakan niya. Tapos sabi niya. ‘He looks like me. He looks like me,” patuloy na kuwento ni James.

Kaya masaya silang lahat na nagkaroon ng sapat na oras na magkausap at magkumustahan. Kung ano man daw ang mga lumabas noon na ‘di magagandang isyu ay kinalimutan na niya.

Hoping si James na magiging okay na ang lahat at sana ay masundan ang pagkikita ng magkapatid.

Sa ngayon ay hindi pa raw nila napag-uusapan ni Michela Cazzola kung kailan bibinyagan si Baby MJ, pero baka puwede na raw sa December.

Show comments