Magaling na aktor na hinahabol si Superman nasa listahan ng PNP?!

Dahil sa pahayag ng mga otoridad na nasa kanila na ngayon ang listahan ng mga pangalan ng mga personalidad na gumagamit-nagtutulak ng droga ay siguradong nanginginig na ang baba ng mga artistang dapat lang kabahan.

Wala raw sasantuhin ang mga otoridad, isasagawa nila ang Oplan Tokhang sa mismong bakuran ng network kung saan nagtatrabaho ang kanilang mga target, mapahiya na ang dapat mapahiya.

Nag-aalala ang mga magkakaumpukan isang gabi tungkol sa mga lalaking perso­nalidad na hindi umaamin pero totoong nagbibisyo.

Sabi ng isang miron sa umpukan, “Nagbago na kaya si ____(pangalan ng isang tisoy na young actor)? Nakakaloka kasi ‘yun, kahit sa taping nila, nagpapakita siya ng mga signs na he’s really into it!

“Hindi siya mapakali, daldal siya nang daldal, napaka-hyper niya! Ayaw niyang tumigil sa kadadaldal, pero kapag wasted na siya, hindi mo naman siya makakausap dahil nakatulala lang siya!” kuwento ng source.

Isa pang naalala ng grupo ay ang magaling pa namang aktor na hindi man kalakihan ang pangalan ay palaging napapanood sa mga tele-serye. Nagbago na rin kaya ito?

Kuwento ng ikalawang miron, “Si ____(pangalan ng magaling na aktor na nakarelasyon ng isang actress-TV host, nagkaroon sila ng anak) kaya, tuluyan nang tinalikuran ang bisyo niya?

“Naaalala n’yo pa ba ang kuwento nu’ng hulihin siya dahil sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ng kotse niya? Gabing-gabi na, e, naka-shades pa rin siya, ‘di ba?

“Nu’ng tanungin siya ng mga pulis kung bakit napakabilis niyang magmaneho, ang isinagot lang niya na malapit nang ikawindang ng mga lespu, “Sorry, guys, ha? May hinahabol ako, malaking abala kayo!

“Hinahabol ko si Superman, sa direction na ito siya huling nakita kanina!” sabay parebolusyon na naman ng sasakyan ng male personality na sayang dahil ang galing-galing pa namang umarte.

Ubos!

Alden gustong patumbahin ng mga naiinggit

Nagpa-blotter na sa NBI ang ama ni Alden Richards. Kailangan na nitong ipagbigay-alam sa mga otoridad ang sunud-sunod na death threats na tinatanggap ng aktor nitong mga huling araw.

Naisip lang ni Mr. Faulkerson na hindi na biro-biro ang mga pagbabanta sa buhay ng kanyang anak ngayon. Kapag hindi ito kumilos at may nangyari kay Alden ay mas malaki ang pagbagabag ng kunsensiyang pagdadaanan nito.

Palaging nasa labas ng kanilang bahay si Alden para magtrabaho, hindi nila alam kung sino ang nagbabanta sa buhay ng Pambansang Bae, kaya mas mabuti na nga namang agapan na agad nila ang sitwasyon.

Ang mga tao nga namang walang produktibong ginagawa sa maghapon, pati buhay ng mga taong nananahimik ay binubulabog nila, ano ba ang dahilan para pagbantaan nila ang buhay ng isang tulad ni Alden Richards na mahal na mahal ng buong industriya at ng kanilang mga tagahanga ni Maine Mendoza?

Walang masamang buto sa katawan si Alden. Sa kabila ng kanyang kasikatan ay nananatili siyang marespeto at mapagkumbaba. Mahal na mahal niya ang kanyang pamilya, lahat ng mga pagsasakripisyong ginagawa niya ngayon ay hindi niya inaangkin para sa kanyang sarili lang, ang kinabukasan ng kanyang pamilya ang palaging matimbang sa pangangarap ng aktor.

Tama ang punto ng kaibigan naming propesor, “Nandu’n na tayo na mabait si Alden, marespeto at mabait. Pero pumapatay ang inggit! Nakakainggit ang mga suwerteng dumarating sa buhay at career niya ngayon.

“Hindi dapat i-ignore ang ganito, kailangang aksiyunan talaga ‘yan. Napakadelikado ng buhay ngayon. Kausap mo lang ang kaibigan mo, maya-maya, masi-shock ka na lang dahil pinatay na pala.

“Napakadali pa namang target ni Alden. He’s everywhere. Huwag dapat biruin ang mga ganyang kuwento. Kapag basta pinalampas lang ang ganyan at may nangyari nga kay Alden, napakalaking kargo de kunsensiya nu’n para sa mga taong dapat, e, nagkaroon ng concern sa kanya,” madiing komento ni prop.

Show comments