Puputulin na ang bakasyon sa Hawaii, Kris may offer na dalawang programa!

Unfair naman na sabihing namatay ang dating slot ng Kris TV sa pagkakapalit dito ng Magandang Buhay. Maganda at masaya ang show na ibang-iba sa format ng show ni Kris Aquino at masigla ring hinu-host nina Karla Estrada, Jolina Magdangal at Melai Cantveros. 

Hindi mapagkukumpara sina Kris at ang 3 host ng Magandang Buhay. Ibang klase mag-host ang presidential sister at may mga binabagayang show para sa kanya. Naitataas niya ang kalidad ng kanyang programa at nagagawang sosyal ang mga pagbisita niya sa maraming simpleng lugar na pamasyalan at tahanan ng mga celebrities. Feeling ng mga ma­no­nood, sosyal din sila kapag nanonood ng mga prog­rama niya.

Dalawang bagong palabas daw ang alok kay Kris kaya hindi na nito kukumpletuhin ang bakasyon nilang mag-iina sa Hawaii at babalik na ng bansa para agad makapag-show muli.

Kaya, aabangan na ang pagbabalik ng reyna!

Tatlong Tagalog films sasabak din sa international filmfest

Dahil sa madalas na pananalo ng ating movies sa international filmfests, inaabangan na rin ang ma­rami pang Tagalog movies na isinasali natin sa abroad.

Sa susunod na buwan, tatlo ang local films na kasali sa Soho International Film Festival na magaganap sa New York, USA. Ito ang Translacion: Ang Paglalakad sa Altar ng Alanganin ni Will Fredo at nagtatampok kina Lisa Diño at Aiza Seguerra at Laut ni Louie Ignacio kasama si Barbie Forteza.

Nagbigay ito ng Best Actress award sa Kapuso actress sa 36th Fantasporo International Film Festival sa Oporto, Portugal nung buwan ng Marso. Ang ikatlong entry ay ang Esoterika: Maynila ni Elwood Perez na nagtatampok kay Ronnie Liang.

Pati ang uupong bagong pangulo ng bansa ay mukhang nasiyahan sa tina­mong karangalan ni Jaclyn Jose sa Can­nes International Film Festival kung kaya nagpadala ito ng pagbati.

Sen. Jinggoy nagpa-planong mag-produce pa ng maraming pelikula

Tama lang na gawing pang-Father’s Day movie ang pelikula na matagal nang natapos ni Sen. Jinggoy Estrada kasama sina Maja Salvador, Empress Schuck, Bayani Agbayani, Dominic Ro­que, Beauty Gonzales, Jolo Estrada, Maliksi Morales at Tirso Cruz lll. Ito ang da­ting Tatay na ginawa nang Tatay Kong Sexy.

Tungkol ito sa isang la­laki na pinalaki ng mga magulang na isang jeepney driver at isang nagtitinda ng kakanin. Naging biyudo ito nang mag-asawa at kinailangang solong palakihin ang tatlo niyang anak. Nakakita ito ng bagong pag-ibig, pero payagan kaya siya ng mga anak niya kung ang magugustuhaan niya ay mas bata sa kanya.

Dalawang taon nang nasa PNP Custodial Center ang senador at gusto niyang magpatuloy pang gumawa ng mga pelikula para makapagbigay ng trabaho sa mga tao sa industriya. Dalawa sa mga ginawa na niya, ang Katas ng Saudi at Magkaibigan ay talaga namang maipagmamalaki dahil sa ganda ng pagkakagawa.

Lirio Vital isasalang na ang anak sa showbiz

Nasa bansa ang dating popular na singer na si Lirio Vital. Kasama niya ang kanyang anak na bina­ta na gustong mapabilang sa local industry bilang isang singer-composer. Maganda pa rin ang boses ng mang-aawit na patuloy na kumakanta sa mala­yong lugar.

Mukhang namana ng kanyang anak ang talento niya sa pagkanta na inaasahan niyang mabibigyan ng pagkakataon ng mga kababayan na makilala sa industriya ng musika na tulad niya.

Matt at Joseph nag-away dahil sa babae

Mapapanood ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya ang kwento ng magkapatid na sina Samson (Matt Evans) at Jeremiah (Joseph Marco) na nasira ang pagiging magkadugo nang ibigin ang iisang babae.

Sa pagpasok nila sa kolehiyo, nagkaroon ng kasunduan ang magkapatid na hindi nila dapat pakialaman ang buhay pag-ibig ng isa’tisa at lalong hindi nila dapat ibigin ang iisang babae. Ngunit nagbago ang lahat sa pagdating ni Fe (Ria Atayde), ang babaeng nagpatibok sa puso nilang dalawa.

Kasama rin sa episode sina Maureen Mauricio, Allan Paule, Daria Ramirez, Denise Joaquin, Tanya Gomez, Marco Pingol, at Josh Ford.

Ang episode ay sa ilalim ng direksyon ni Elfren Vibar, at panulat ni Nikki Banquin. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos.

Show comments