Daig pa naglayas: Female personality parang laging may bitbit na basura!

Sa katatapos lang na kampanya ng isang partido ay nagpalutang na naman ng kaartehan ang isang female personality na regular na performer ng tropa. Wagas daw talaga ang kaartehan ng babaeng personalidad.

Maraming nagsasabi na kung kailan naman halos nangungulimlim na ang kanyang singing career ay saka pa siya umaarte nang hindi tama. Kung babalikan ang nakaraan ay nagkaroon naman ng moment ang female singer.

Dumating siyang nakapantalon, pero napakainit sa lugar ng kampanya, kaya ipinakuha ng female singer ang iba niyang kagamitan sa kanyang van.

Dumating ang kanyang PA na akala mo maglilipat-bahay sa sangkatutak na dala-dala nitong damit. Pili nang pili ang female singer, pero parang wala naman siyang type isuot, kaya ang ending ay nakapantalon pa rin siyang umakyat sa entablado.

Kuwento ng aming source, “Ang nakakaloka lang, e, sumikip nang husto ang waiting area dahil sa mga kagamitan niya! Ang init-init ng panahon, pero naka-boots pa siya na akala mo lalaban sa karera ng mga kabayo, para siyang cowboy!

“Ganu’n pala siya talaga. Kahit sa isang variety show, e, bumibida siya sa mga kuwento. Sasalang na lang siya para sa production number, pero bigla pa niyang gugupitin ang pantalon niya!

“Naloloka ang staff ng show, nakapantalon lang daw siya a few minutes ago, pero bigla na siyang naka-shorts nang pagkaigsi-igsi! Kasi nga, pinagtripan niyang gupitin ang pants niya!

“Ano kaya ang akala niya sa waiting area na napakaraming personalities ang gumagamit? Ano ‘yun, Smokey Mountain na puwedeng gawing tambakan ng mga basura?” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Supporters ni Sen. Grace tahimik lang, wala sa bokabularyo ang away

Kung sobrang makapag-ingay ang mga tagasuporta ni Mayor Digong Duterte ay cool lang ang kampo ni Senadora Grace Poe.

Walang namba-bash na tagasuporta ang senadorang tumatakbo sa panguluhan. Nililinaw lang nila ang isyu pero hindi sila nakikipag-away.

Bully naman ang mga tagasuporta ng mayor ng Davao, sanay na sanay silang mang-inis at mag-provoke, away kung away ang alam ng mga ito sa social media.

May mga kaibigan kaming nagsaulian na ng kandila dahil sa elek­siyon. Hindi akalain ng isang kaibigan namin na aabot sa ganito ang samahan nila ng kanyang mga kaibigan.

“Marami kami sa grupo, masasaya kami, pero nu’ng magsimula na ang campaign period, parang nagkaroon kami ng gap. May mga friends kasi kaming basta na lang kami inaway nang inaway dahil hindi kami pro-Duterte.

“Iniyakan namin ‘yun, bakit sila nag­kaganu’n, e, ni hindi nga nila kilala nang per­sonal ang taong naging cause ng gap sa grupo namin?

“Para na silang kulto, sobra na silang makapanglait, kapag hindi ka nila ka­alyado, kaaway na ang turing nila sa iyo. Ma­babaw pa pala ang foundation ng friendship namin dahil sa ganito lang, e, nakaya nila kaming awayin?” rebelasyon ng aming kaibigan.

Nakakapanghinayang na samahan. Napakatagal nilang inalagaan ang kanilang pagkakaibigan pero nang dahil lang sa eleksiyon ay nagkawatak-watak sila.

Parang lumalabas tuloy na magkakaibang lahi ang naglalaban-laban at hindi puro Pilipino dahil sa matinding pagpepersonalan.

Dahil daw ‘yun sa social media, sabi ng iba, pero mas naniniwala kami na naturalesa ng ugali ang naglalabasan ngayon.

Matagal lang na naitago pero nang magkaroon ng pagkakataon ay biglang lumabas. Ipagpalit ba ang pagkakaibigan sa isang araw lang na eleksiyon?

Show comments