AiAi wala raw talagang malay sa paglipat sa ibang network; Melissa kinasuhan na!

PIK: Medyo matalas pa rin ang mga binibitawang pahayag ni Sunshine Cruz laban kay Cesar Montano.

Hiningan namin ng reaksyon si Sunshine sa sinabi ni Cesar para sa kanilang mga anak na sana magsabi raw ng totoo at huwag padadala sa mga sulsol o sinasabi ng ibang tao.

Sabi naman ni Sunshine, wala naman daw problema ang mga bata, at okay na okay naman daw sila. Hindi naman daw hinahanap ng mga anak nila si Cesar. Masaya na raw silang mag-iina.

PAK: Natatawa si AiAi delas Alas sa sinasabi ng iba na isa raw siya sa nababagay na co-host ni Willie Revillame sa programang Wowowin ng huli.

Matunog na matunog nang pipirma si AiAi sa Kapuso network isa sa mga araw na ito. Kaya may mga nagsasabing nababagay siyang i-partner kay Willie sa Wowowin.

“Ang dami namang balita,” bulalas ni AiAi.

“Wala pa talaga akong alam. Sabihin ko naman sa inyo kung may kaganapan na.

“Backroom na ang umaayos ng buhay ko ngayon. Kaya tahimik lang ako nagmamasid-masid lang,” pahayag pa ng box-office at Comedy Concert Queen.

BOOM: Sa kabila ng paglabas ni Melissa Mendez ng public apology sa kanyang Instagram account, hindi pa rin ito pinatawad ni Mr. Rey Pamaran.

Itinuloy pa rin niya ang pagsampa ng kaso laban sa aktres.

Nag-file na ito ng kaso sa Pasay Prosecutor’s Office. Ang unang napabalita ay sa Taguig niya ito isasampa dahil sa Serendra ito nakatira. Pero sa Parañaque na niya isinampa kung saan naroon ang airport na pinagbabaan kay Mellissa.

Kasong Slander by Deed ang isinampang kaso worth P3-M damages ang nakasaad sa complaint.

Doon sa filing kahapon ay inintriga na rin si Pamaran kung ano talaga ang relasyon nila ni Andrew Wolff. Sabi niya, empleyado raw niya si Andrew for two months na kaya magkasama silang pumunta ng Pagadian.

Show comments