Singer grabeng laitin ng sariling kapatid

Hindi  siya artista, pero kabog pa niya kahit ang mga sikat na artista kapag gusto niyang angkinin ang entablado ng kontrobesiya, tumututok ang publiko sa kanya.

Kapag nagsimula nang bumuka ang kanyang bibig ay parang si Juan Tamad na nakanganga ang ating mga kababayan sa paghihintay ng kung ano ang kanyang sasabihin, ganu’n siya kaepektibong magsalita, maraming humahanga sa galing ng kanyang dila sa paglilitanya.

Kaya nga lang ay nahahati sa dalawa ang mga komento ng mga nakamasid sa kanya. Ang isa ay nagsasabing dahil sa sobrang katalinuhan ay parang lumihis na ang tren sa kanyang riles. Meron namang mga nagkokomento na ganu’n talaga kapag matalino at malalim ang isang tao—napagkakamalang baliw.

Wala siyang pakialam sa mundo, hinahamon niya pati ang gobyerno, ang masaklap nga lang ay parang wala namang sumeseryoso sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Nu’ng bata pa siya, e, madalas siyang napapagalitan ng parents niya dahil sa katigasan ng ulo niya. Grounded siyang madalas, pero pilosopo siya.

“Kapag sinabi ng tatay niya na hindi siya puwedeng lumabas ng pintuan dahil grounded nga siya, e, magaling siyang manga­t­wiran. ‘May bintana naman, du’n ako dumadaan at tumatalon!’

“Pintuan lang daw naman kasi ang bawal, hindi naman sinabi ng mga ma­gulang niya na kasama ang bintana,” pag-alala ng aming impormante.

Matindi ang pagkokontrahan nila ng nakatatanda niyang kapa­tid, sikat na musikero ang kanyang utol, pero hindi niya pinanonood ang mga shows nito.

Ang kanyang katwiran, “Mas magaling akong singer kesa sa kanya, he was just given a great opportunity. I don’t watch him, it’s just a waste of time, I find him so boring!” laban kayo sa kanyang opinyon tungkol sa sikat niyang kapatid na singer?

Ha! Ha! Ha! Ha! Ubos!

AI-AI todo tanggol sa ‘batang’ karelasyon

Kung hindi artista si Ai-Ai delas Alas ay mga kapitbahay lang ang magpipista sa kanyang lovelife. Pero artista nga kasi siya, at sikat pa, kaya ang pakikipagrelasyon niya sa beinte anyos na si Gerald Sibayan ay isang malaking isyu.

Komento ng mga kumokontra sa bagets niyang boyfriend, kung sa mga nasa wastong edad na nga raw ay sumasablay pa ang Comedy Concert Queen, paano pa ngayon sa halos anak na lang niyang si Gerald?

Baka raw isang araw ay mapanood na lang uli natin si Ai-Ai sa isang talk show na iyak nang iyak, nagsisisi, dahil sa pakikipag­relasyon niya sa isang beinte anyos na kulang pa sa responsibilidad at kaalaman sa pakikipagmahalan.

Pero paano naman kung mabaligtad ang senaryo? Paano kung si Gerald pa palang hinuhusgahang walang alam ang tu­magal bilang karelasyon ng komedyana?

Sabi ni Ai-Ai nu’ng minsang kaming magkausap, “Mahirap kasing turuan ang puso. Mahirap ding kontrahin. Basta mararamdaman mo na lang kasi na kakaiba ang dating sa iyo ng isang tao.

“Gusto kong sabihin na sa dinami-dami na ng hindi kagandahang pinagdaanan ko sa pakikipagrelasyon, bigyan naman natin ng chance na patunayan ni bagets (Gerald) ang kanyang intensiyon.

 “Madaling husgahan ang isang beinte anyos na tulad niya, di ba? Sa age pa lang, marami nang magsasabing siguradong pera lang ang habol niya sa babae. Pero paano kung hindi naman pala?” nagpapaunawang pahayag ni Ai-Ai.

 

Show comments