Biritera at guwapong singer scripted ang landian

Tawa kami nang tawa sa kuwento ng mga staff ng isang production tungkol sa dalawang personalidad na parang pilit na ginagawan ng anggulo ng relasyon ang kanilang simpleng pagkakaibigan.

Ewan kung sino ang nagpaputok ng kuwentong may lihim silang pagtatangi sa isa’t isa. Ang sangkot sa istorya ay isang magaling na biritera at isang guwapong singer na minsan nang naugnay ang pangalan sa isang aktres.

Parang produkto sa palengke ang kanilang pagkakagustuhan kung ipagduldulan ng mga taong nakapalibot sa kanila, pero wala namang bumibili du’n, pinagtatawanan pa nga sila.

Kuwento ng isang source, “Kapag may mga nakatingin sa kanila, nagkukunwari silang sweet sa isa’t isa. Nagbubulu­ngan pa nga sila, nagho-holding hands, parang gusto nilang ipamukha sa lahat na meron silang relasyon.

“Pero kapag silang dalawa lang naman ang magkatabi, e, wala lang, hindi nga sila nagpapansinan. Nagbo-voca­lize lang ‘yung lalaki, make-up naman nang make-up ‘yung girl. Parang hindi nila kilala ang isa’t isa.

“Kapag may mga nakatingin na uli sa kanila, e, umpisa na naman sila ng sweet-sweet-an, bulungan na naman sila nang bulungan, gusto na naman nilang paniwalain ang mga nakatingin sa kanila na nagmamahalan nga sila,”  tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Sutil ang mga production staff, sila mismo ang naglalapat ng thought balloon ng dalawa, ang kanilang sinasabi, “Siguro, habang nagbubulungan sila, e, sinasabi ng girl, ‘Paano naman kaya magiging tayo, e, alam naman nating dalawa kung ano ang pareho nating gusto?’

“Ganu’n siguro ang ibinubulong ng girl, kasi nga, matagal nang kinu-question ang gender ng male singer at siya rin, balitang-balita na isa siyang tivoli!” ‘yun ang pinagpipistahang senaryo ng mga staff na nakakasama nila sa show.

Ubos!

It’s Showtime! – Cedric kay Vhong

Nagluluksa ngayon ang emosyon ni Vhong Na­varro. Sa isang panahong inaakala niyang mabibig­yan na ng katarungan ang pagkakabugbog sa kanya nu’ng gabi ng Enero 20 ay biglang nagbago ang ihip ng hangin.

Non-bailable ang kasong serious illegal detention, pero pinayagang makapag­pi­­yansa ng huwes na humahawak ng kaso sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at Zimmer Raz, pansamantalang nakalalaya ngayon ang mga nasasakdal habang dinidinig ang kasong isinampa ni Vhong laban sa mga ito.

Sa kanyang panayam ay matindi ang disgusto ni Attorney Alma Mallonga, abogado ng actor-dancer-TV host, takang-taka ito kung bakit nakapag-bail ang tatlo samantalang kumpleto naman ang mga isinumite nilang pruweba kung bakit dapat madiin ang kampo ni Cedric Lee sa kasong serious illegal detention.

Kasabay ng motion for reconsideration na ihinahanda na ng kampo ni Vhong ay hihi­lingin din nila ang pagpapa-inhibit sa huwes na may hawak ng asunto, kulang na lang na diretsong sabihin pa ni Attorney Mallonga na wala na silang tiwala sa huwes, pero ‘yun na rin ang interpretasyon ng mas nakararami sa tabas ng kanyang pag-oopinyon tungkol sa senaryo.

Sa kanyang pansamantalang paglaya ay parang nang-iinsulto pa si Cedric Lee, kapag tinatanong ito kung ano ang kanyang damdamin sa temporary liberty na ibinigay sa kanila ay isa lang ang kanyang sinasabi, “It’s showtime!”

Mukhang inaalat nga ngayon ang pang­tanghaling programa ng Dos. Mula sa kontrobersiyang pinagdadaanan nina Anne Curtis, Vhong at Billy Joe Crawford ay nakadagdag pa ang sarkastikong komento ni Cedric Lee.

Show comments