Phil naaksidente sa Dream match nila ni James

MANILA, Philippines - Patindi nang patindi ang sibling rivalry nina Phil at James Younghusband. Iyan ay dahil sa larong football na unti-unti na ring sumisikat sa ating bansa. Matatandaang may dalawang taon nang ginaganap ang Clear Dream Match na handog ng Clear for Men Shampoo. Naglalayon ang Clear na mas lalong mapa­la­ganap ang larong football sa bansa kaya naman ngayong taon, itinodo na nila ang kanilang adbokasiya.

Ayon kay Gina Lorenzana, Marketing VP ng UNILEVER, nakipag-team up sila sa Manchester United (isa sa mga premyadong football club sa mundo), upang lalong mapalawig ang kanilang adbokasiyang pagpapalaganap ng larong football sa Pinoy.

Dumating noong nakaraang linggo sina Paul Scholes, 11-time English Premier League winner at Andy Cole second highest goal scorer in English Premier League history, para tulungan ang magkapatid na Younghusband na tapusin na ang kanilang sibling rivalry.

Sa ginanap na presscon, isang araw bago ang third and final installment ng Clear Dream Match, naka-jersey na lang si James dahil na-insecure raw si Phil sa kanya noong nakaraang nag suit & tie siya. Ayon pa sa magkapatid na Younghusband, fans na sila ni Paul simula pa noong mga bata pa lang sila. Kaya naman la­king tuwa nila na ngayon ay nakakalaro na lang nila ito.

Pabiro namang nagsabi ang nakatatandang Younghusband, “I make him look good” sa mga laban nila at ipi­napapanalo lang daw ang bunsong kapatid na si Phil.

Malaki rin ang pasasala­mat ng magkapatid dahil ang Clear Dream Match ang kauna-unahang laro ng magkapatid kung saan sila magkalaban.

Sa pinakaunang laban, nanalo ang grupo ni Phil sa score na 5-1. Noong nakaraang taon naman ay bumawi ang grupo ni James sa score na 4-1. Ang pinakahuling laban ay ginanap noong nakaraang Sabado, June 7 sa University of Makati Stadium at tinalo nga ng grupo ni James ang “away” sa pagitan nila ng nakababatang kapatid na si Phil.

Mukhang nagkatotoo ang sinabi ni James sa presscon, “I hate losing!” Pero masayang malungkot ang nagtapos na laban ng magkapatid dahil sa ‘di inaasahang pangyayari kay Phil. Nakaumpugan kasi niya ang isa sa miyembro ni James at kinailangan pa itong dalhin sa ospital. Hindi naman grabe ang kalagayan ng nakababatang Younghusband pero inobserbahan siya sa loob ng 24 oras.

 

Show comments