Coco pahinga muna sa paggawa ng serye, gustong bumalik sa pelikula

Noong Linggo ng gabi ay ginanap sa AFP Theater ang 27th PMPC Star Awards for Television. Nanalo bilang Best Drama Actor sina Coco Martin para sa teleseryeng Juan Dela Cruz at Richard Yap naman para sa Be Careful With My Heart. Iniaalay daw ni Coco ang kanyang award para sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda kamakailan. “Nakaka-inspire lalo na napaka-espesyal ng proyektong ito. Sabi ko nga, lahat ng tao ngayon para sa akin is a hero. ‘Yung mga Pilipino, lahat ng tao na tumulong sa sakuna na nangyari sa ating bansa. Iniaalay ko ito,” pahayag ni Coco.

“Mga kababayan ko, huwag na huwag po tayong susuko at bibitiw dahil lagi po tayong may pag-asa. Nandiyan po ang Panginoon,” dagdag pa niya.

Samantala, mukhang matatagalan pa raw bago muling makagawa ng bagong soap opera si Coco. “Baka next year na, medyo matagal akong nawala sa pelikula. Gusto kong bumalik doon para kahit paano fulfilled naman. Mabalik ko naman ang mga proyektong gusto kong gawin. Marami akong gagawin, pero ngayon nandoon pa lang sa meeting lahat,” pagtatapat ng aktor.

Ngayon ay madalas daw na nasa bahay na lamang si Coco at dahil medyo maluwag pa ngayon ang kanyang sche­dule ay tumutulong siya sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo. “Nasa bahay lang po ako lagi, nanonood ng news. Kapag may mga activities na kailangan tumulong, kung ano man ang magagawa sa bansa, iyon muna ang pinagkakaabalahan ko,” kuwento pa niya.

Pokwang takot sugurin ng asawa ni Jestoni

Bukas ay palabas na sa mga sinehan ang Call Center Girl na pinagbibidahan nina Pokwang, Enchong Dee, at Jessy Mendiola. Kasama rin sa nasabing proyekto si Jestoni Alarcon na ayon kay Pokwang ay matagal na raw niyang ‘crush’ ang aktor. “Noong bata pa ako, hindi pa ako artista napapanood ko na siya. Mala-anghel ang kanyang face. In fairness naman, sa personal napakabait niyang tao,” bungad ni Pokwang.

Alam naman daw ng komedyana na may asawa na si Jestoni kaya hanggang paghanga na lamang ang nararamdaman niya para sa aktor. “Malapit ang bahay niya sa amin kaya madali akong lulusubin,” pabirong pahayag ni Pokwang.

Pinagtutuunan na lamang daw ng panahon ng aktres ang kanyang dalagang anak na si Mae. Wala namang problema sa anak ni Pokwang kung sakaling muli mang pumasok ang aktres sa isang relasyon. “Naa awa na rin naman siya sa akin. Sabi ni Mae sa akin, ‘Kung masaya ka at hindi ka masasaktan then go,” pagbabahagi ni Pokwang.  

Reports from JAMES C. CANTOS

 

Show comments