Lotlot sumasakit ang tiyan 'pag si Pilita ang pinag-uusapan

Mukhang hindi matutupad ang Christmas wish ni Pilita Corrales na maayos na ang matagal na nilang conflict ni Lotlot de Leon bago mag-Pasko dahil ayaw ni Lotlot na makipag-usap pa sa dating biyenan. Natawa ang press na nag-interview sa aktres sa glamorosang press launch ng Glamorosa dahil laging sumasakit ang tiyan nito ’pag tungkol na kay Pilita ang mga tanong.

Pero hindi rin isinasara ng aktres na magkakabati rin sila ng Asia’s Queen of Songs at pagdating ng araw na ’yun, hindi na importante kung sino sa kanila ang unang babati.

“Sa ngayon, hayaan na nating ganito kami at hindi sa ayaw kong makipagbati sa kanya, siguro nadala na ako, but it doesn’t mean I don’t respect her. Kaya lang, 10 years na akong hiwalay at 10 years na rin ang is­yung ’yan,” sabi ni Lotlot.

Frencheska inilihim ang relasyon kay Geoff

Magandang influence si Bianca King kay Frencheska Farr dahil ang una ang kumumbinse sa huli na ipagpatuloy ang pag-aaral kahit busy siya sa showbiz. Nag-enroll ng culinary arts sa La Salle si Frencheska at sabi nito sa presscon ng Kokak, kahit gaano siya ka-busy ay ipagpapatuloy at tatapusin niya ang kurso.

Second acting project ni Frencheska ang Kokak at hindi man siya ang bida, happy na rin siya sa kanyang role na kumupkop at best friend ni Kara (Sarah Lahbati). Kahit enjoy sa acting, hindi niya iiwan ang pagkanta, kaya nga ayaw niyang umalis sa Party Pilipinas dahil first love niya ang singing.

Nanlaki ang mga mata ni Frencheska nang usisain namin na naging BF niya si Geoff Taylor, pero lihim lang ang relasyon nila dahil ayaw ng GMA 7 at rason ’yun para sila mag-break.

Sagot nito, “Hindi totoo at hindi na­ging kami.”

Zoren hindi nanonood ng shows ng TV5

May mga nag-react sa pahayag ni Zoren Legaspi sa press launch ng Glamorosa ng TV5 na isa sa mga ikinagusto niya working with the network ay dahil hindi mahilig sa remake ang istasyon. Ibinigay nitong halimbawa ang drama series na pilot na this Monday na isang original material.

Sabi ng press, either hindi nanonood sa TV5 si Zoren o hindi nagbabasa dahil may mga remakes ring ginagawa ang network. Kabilang dito ang Utol Kong Hoodlum, Regal Shocker, P.S. I Love You, at ang eere pa lang na Valiente at Leya.

Nabanggit din ni Zoren na kakaiba ang alagang Kapatid dahil ’pag nakikita ng staff na hindi na kaya ng artistang mag-taping, pinapa-pack up na. Dahil gustung-gusto nito sa TV5, hindi kami magugulat kung pumirma na ang TV host ng exclusive contract.

Show comments