AiAi at Aga tatapatan ni Eugene

Mukhang ang sitcom na Jejemom ang ipapalit ng GMA 7 sa Claudine ni Clau­dine Barretto at kung totoong sa second week ng August ang airing date ng sitcom, ibig sabihin, meron na lang six weeks ang drama anthology ni Claudine. Soap opera ang ibibigay sa kanya ng network pero wala pa kaming balita kung anong klase.

Kung Saturday ang time slot ng Jejemom at Sa­turday din ang M3 sitcom naman nina Aga Muhlach at AiAi delas Alas, magkakatapat kaya ang sitcom ng magkaibigang AiAi at Eugene Domingo? Pero mauunang umere ang M3 dahil sa July 3 na ang pilot nito.

Samantala, makakasama ni Eugene sa Jejemom sina Wendell Ramos, Jen­nica Garcia, at Gelli de Belen with Dominic Zapata as its director.

* * *

Nag-imbita ang kampo ni Batangas Governor Vilma Santos sa sabay na oath-taking nila ng asa­­wang si Senator Ralph Recto, bukas, June 28 at 9 a.m. sa Batangas Capitol, Batangas City. Isa kami sa nakatanggap ng imbitasyon, kaya lang may kalayuan at maaga pa ang oath-taking at ’di rin namin alam kung paano pupunta.

Siguradong maraming press ang pupunta sa joint oath-taking ng mag-asawa at sa kanila na lang tayo makikibalita ng mangyayari sa masayang okasyon.

* * *

This Sunday ang shoot ng Philippine National Anthem video ng GMA Network at sana ay walang makalimutang talents ang network at lahat ay isama sa shoot para walang magtatampo at ’di na maulit ang nangyari sa 60th Anniversary Special.

Natsika sa aming hindi lang sina Carmina Villaroel at Gelli ang nakalimutang imbitahan sa 60th Anniversary Special, may iba pang nakal­imutan at nagtataka rin dahil contract stars din naman sila ng istasyon.

Mahaba ang Lupang Hinirang at siguro naman maa-accommodate ang lahat ng mga GMA talents at hindi naman kailangang lahat sila ay kumanta. Matutuwa na ang mga talents ng network na makasama sila sa video na ipalalabas sa mga sinehan.

* * *

Sa part two ng Love Bug Presents Wish Come True, kinilig si Gella (Kris Bernal) nang halikan ni Raoul (Daniel Matsunaga) at inisip na magiging sila. Kaso sa muli nilang pagkikita, magugulat siya dahil ang inisip ni Raoul na humalik sa kanya’y si Isabel (Rich Asuncion).

* * *

 “Hahaha!” ang sagot ni Maxene Magalona sa nagtanong sa kanya sa Twitter kung nanliligaw sa kanya si Felix Roco. Maling pangalan ang binanggit nang nagtanong dahil ang tsika’y hindi si Felix ang nanliligaw kay Maxene kundi ang kakambal nitong si Dominic Roco.

Tingnan natin ang magiging sagot ni Maxene ’pag inulit ang pagtatanong sa kanya at pangalan na ni Dominic ang babanggitin. Si Felix kasi ay barkada lang niya dahil ang kakambal nito ang kasama niya sa GMA 7.

Sayang at hindi isinama si Dominic sa Trudis Liit, pero puwede pa siyang ihabol dahil kasisimula pa lang naman ng soap at magandang palabasing pinag-aagawan si Maxene nina Dominic at Mike Tan.

Show comments