Antoinette, Rica nagsigawan sa CR ng GMA

May nakapagbalita sa akin na nagkita sa dressing room ng SOP last Sunday sina Antoinette Taus at Rica Peralejo.

Sabay silang pumasok at nag-usap muna sa CR.

Maya-maya ay nagsisigawan na ang dalawa sa loob ng CR.

Ang pinag-aawayan ng dalawa ay si Dingdong Dantes.

Ayon pa sa aking source ay tipong nagseselos si Antoinette dahil nag-date sina Rica at Dingdong.

Unang lumabas ng CR si Antoinette at ibinalibag ang pinto, kasunod si Rica na pabarag din na isinara ang pinto.

Nagkaroon daw tuloy ng tensyon sa dressing room sa takot na baka kung saan mapunta ang pagsasagutan ng dalawang young actress.

Glydel mahilig sa ghost hunting
Sa press visit namin sa Munting Anghel ay nakakwentuhan namin si Glydel Mercado at isa sa aming napag-usapan ay tungkol sa mga multo, espiritu, aswang at kung anu-ano pa bilang pagdiriwang sa Araw ng mga Patay. Inamin ng seksing aktres na malakas ang kanyang loob at mahilig siya sa ghost-hunting. Mula pagkabata hanggang sa mag-teenager ay hindi siya nakakaranas ng multo at espiritu kaya minsan ay nagkayayaan silang magkakabarkada para magtungo ng Baguio sa isang lugar na sinasabi nilang pinamumugaran ng ispiritu na gumagala dito kapag malalim na ang gabi. Para itong kagubatan na napapaligiran ng pine trees at mga halaman. Isa sa kanyang mga kasama ang nakakita ng white lady na naglalakad sa lugar na tinuluyan nila. Ang aktres naman ay nakitang lumulutang ang isang gasera gayung wala namang humahawak dito. Sinabi ni Glydel na exciting sa kanya ang paggu-ghost-hunting.
Mga espiritu sa Baguio
Maraming mga espiritung gumagala sa Baguio gaya nang naranasan ng ilang mga estudyante ko at dalawang teachers na humiwalay sa aming grupo na nag-seminar sa isang hotel. Doon sila tumira sa nearby place ng hotel na may isang malaking cottage at parang forest din at katabi nito ang isang malaking bangin. Noong gabi ay nagkanya-kanya sila ng kuwarto pero iba’t ibang karanasan ang nadama nila kung saan nakakarinig sila ng mga naglalakad sa kabahayan gayung wala namang tao. May naririnig din silang nagsa-shower gayung wala namang naliligo at may isang estudyanteng lalaki ang biglang nagsisigaw dahil nang i-flash nito ang toilet ay dugo ang lumabas.

Sa ikalawang gabi ay nagsama-sama na silang lahat sa isang kuwarto pero narinig pa rin nila ang ingay ng mga yabag sa sala at lagaslas ng tubig sa shower. Kinabukasan ay nagmamadaling umalis ang mga estudyante at guro pabalik ng Maynila at nangakong never na silang magbabalik sa lugar na y’on. Inamin naman ng caretaker na talagang may nagmumulto roon pero nasanay na siya. Sinabi nito na mabuti nga at hindi pa nila nakita ang white lady na minsan ay nasa tabi ng bangin at palakad-lakad doon.
Juday, nagbabad sa Gay Bar ?
Nilinaw ni Judy Ann Santos ang balitang laman siya lagi ng gay bar at pinabulaanan din ang intrigang kumuha siya ng private room para manood ng isang nagsasayaw na macho dancer. Ayon sa aktres, never niya itong gagawin bagamat inamin na nagpunta nga siya minsan ng gay bar dahil sa paanyayang dumalo sa isang shower party ng isang malapit na kaibigan.
Pops nakasentro ang buhay sa mga anak
Ayon kay Pops Fernandez, iba’t ibang reaksyon ang kanyang nadama nang ma-annulled na ang kanilang kasal ni Martin Nievera. Hindi naman siya nagagalak dahil maganda naman ang pinagsamahan nila noon kaya lang naroon pa rin ang sakit na dulot ng paghihiwalay. Ngayong may kanya-kanya na silang buhay ay sinabi naman ni Pops na hindi pa siya handang umibig muli at mananatili silang mabuting magkaibigan ng ex-husband. Ayaw niyang magkaroon ng sumbatan at pagsisisi kundi ang pagtanggap lang sa katotohanan na talagang kailangan na nilang maghiwalay.

Nakasentro ngayon ang kanyang buhay sa dalawang anak at kahit nagkahiwalay na silang dalawa ni Martin ay ibinibilang pa rin niya ang sarili bilang mapalad na tao dahil nagpapasalamat siya sa pagkakaroon ng mababait na mga anak na nakakaunawa sa kanya.

Tuloy pa rin ang kanyang pagpapa-sexy sa pelikula at bago marinig sa ibang tao ng kanyang mga anak ang pagiging daring ay ipinaliliwanag na niya sa mga ito ang mga sexy scenes niya sa Gusto Ko Nang Lumigaya at naintindihan naman nila ito. Sinabi pa rin ng aktres na challenging ang role kaya tinanggap niya ang said movie dahil sa kanya iikot ang istorya.

"The movie has lots of different angles and twists. Marami pa ring kulang sa buhay ko at may mga pangarap pa akong nais na matupad lalo na para sa kinabukasan ng aking mga anak. I’m more concerned with my two kids," aniya.

Show comments