2 pumasok sa balon, tepok sa ‘gas poisoning’

TABUK CITY, Kalinga, Philippines — Patay ang dalawang manggagawa kabilang ang isang senior citizen matapos na hinihinalang makalanghap ng nakalalasong gas at ma-suffocate sa loob ng isang balon sa Barangay Balawag, Tabuk City ng lalawigang ito kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Ernesto Ban-nua, 43-anyos, at Eduardo Ramirez, 63, kapwa residente ng ng Barangay Balawag sa nabanggit na lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ­unang pumasok sa loob ng balon si Ban-nua na walang suot na anumang proteksyon subalit nang nasa loob na siya ay biglang nahilo kaya tumawag ng tulong.

Tinangka naman na saklolohan ni Ramirez ang kasamahan subalit maging siya ay nawalan na rin ng malay nang makapasok sa balon.

Sumaklolo naman ang mga opisyal ng barangay at naiahon ang dalawang biktima saka mabilis na dinala sa pagamutan subalit kapwa hindi na nai­salba pa ang kanilang buhay.

Show comments