2 dedo, 5 sugatan sa road mishaps sa Nueva Ecija

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Dalawa ng patay habang limang iba pa ang sugatan matapos masangkot sa aksidente sa daan sa magkahiwalay na lugar, dito sa lalawigan kahapon ng madaling araw.

Sa ulat sa tanggapan ni PCol. Camlon Nasdoman, provincial police director, nakilala ang mga nasawi na sina Ferdinand Jacinto, residente ng Barangay Sinapaoan sa bayan ng Santa Fe at Marlon Gapuz, ng Barangay Mabuslo, Bambang; pawang sa Nueva Ecija.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nasawi si Jacinto matapos sumalpok ang kanyang minamanehong Euro Motorcycle (272 BWK) sa kasalubong na Isuzu trailer truck (BAA 8806) na minamaneho ni Orgy Rosete, 34, residente ng Union, Cauayan City, Isabela dakong alas-2:30 ng madaling araw kahapon.

Napag-alaman na umagaw sa linya ang driver ng trak na naging dahilan para masalpok ang motorsiklo ng biktima sa bahagi ng national highway sa Barangay Baliling, Santa Fe, NE sanhi upang ideklarang dead-on-arrival ang huli sa ospital.

Nauna rito, nasawi si Gapuz matapos masangkot sa karambola ng tatlong sasakyan sa bahagi ng Punawa Road, Barangay Calaocan, sa bayan ng Bambang.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga sugatan na sina Joselito Balgos, 50, ng Sto. Niño, Barangay Dullao, Bambang at Edmar Patubo, 27, ng Purok Rang-ay, Barangay San Fernando na kapwa driver ng motorsiklo na kabilang sa karambola.

Tatlong pasahero ni Gapuz sa kanyang mina­manehong tricycle ang nasugatan at dinala rin sa pagamutan.

Show comments