Sanggol isinako, natagpuang buhay sa Albay

MANILA, Philippines — Maituturing na malaking himala ang pagkakaligtas sa isang bagong silang na babaeng sanggol na isinako at inabandona sa masukal na lugar sa Bacacay, Albay nitong Martes.

Ayon sa ulat, natagpuan ang  sanggol ng mga nagdadaan sa Sitio Tangid, Brgy. Sogod sa Bacacay nitong Martes ng gabi.

Kuwento ni Michael Golgota,  dumadaan sila sa lugar nang marinig ang walang  tigil na  iyak ng sanggol.

Bagama’t masukal, kanilang hinanap ang  pinanggagalingan ng  iyak hanggang sa makita ang isang sako na naglalaman ng  sanggol na nilalanggam na.

Agad na dinala ni Golgota ang sanggol sa ospital.

Iniimbestigahan na ng pulisya kung sino ang nag-iwan sa sanggol, na nasa pangangalaga na ngayon ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Show comments