Naglalaro lang ng ML niratrat, suspek timbog agad sa police ops

Lucena City , Philippines — Isang lalaki na naglalaro lang ng kinalolokohan ng mga kabataang Mobile Legend (ML) ang pinagbabaril pero dahil sa maagap na pagresponde ng pulisya, agad na naaresto ang suspek sa krimen, sa Brgy. Ilagayng Iyam ng lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Michael Alcantara, 37- anyos, residente ng Mars St., Jael Subdivision sa nasabing barangay.

Batay sa ulat, bandang alas-9:00 ng gabi habang nakaupo sa may harapan ng kanilang bahay at nag­lalaro sa kanyang cellphone si Alcantara, nang bigla na lamang pinaulanan ng bala sa katawan ng suspek na nakilalang si Errol Almiranez ng Barangay Isabang, nasabi ring lungsod.

Makaraang isagawa ang krimen,  mabilis na sumakay sa kulay itim na motorsiklong Honda 155 ang suspek na minamaneho ng hindi pa nakikilalang kasama nito saka tumakas.

Agad namang naisugod sa pagamutan ang biktima na kasalukuyang nasa maselang kalagayan.

Nang makarating kay Lt. Col. Ruben Ballera Jr., OIC ng Lucena Police Station, ang insidente ay agad na nagpalabas ng kautusan para hot pursuit operation laban sa mga suspek na nagresulta ng agarang pagkakadakip ni Almiranez habang tinutugis pa ang kanyang kasama.

Umabot lamang umano sa mahigit isang oras ang matagumpay na operasyon ng pulisya para maaresto ang suspek.

Matagal nang alitan sa pagitan ng suspek at biktima ang tinitingnang motibo ng pamamaril.

Magugunita na nitong nakalipas na dalawang linggo ay apat na insidente ng pamamaril ang naganap sa lungsod na bagama’t itinuturing ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) na isolated cases lamang ay ito ang sinasabing dahilan ng biglaang pagpapalit ng bagong liderato sa Lucena Police Station.

Show comments