Sekyu niratrat sa binabantayang hardware

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang security guard nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang nakatayo sa binabantayan nitong hardware, kahapon sa Pikit,Cotabato.
Kinilala ang biktimang si Renen Juntillano Cabanting, 41, may asawa at residente ng Barangay Katipunan, M’lang, North Cotabato.
Batay sa report ng Pikit Municipal Police Station, alas-9:30 ng umaga ay nakatayo ang biktima sa receiving station ng hardware nang biglang lapitan ito ng suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na baril.
Sa kabila ng tama sa katawan, nagawa pang makatakbo ng biktima, subalit hinabol pa rin ito ng suspek at muling pinagbabaril na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Hinala ng pulisya na personal na alitan ang motibo ng krimen kaya’t patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang iba pang motibo at pagkakakilanlan sa suspek.
- Latest