P750K puslit na yosi nasabat sa Cagayan De Oro

Sa report ng Police Regional Office of Northern Mindanao (PRO-10) nakilala ang suspek na si Vhan Maddun Tammany, residente ng Zone 3, Brgy. Bulua ng naturang lungsod.
Businessworld / File

MANILA, Philippines — Umaabot sa P750,000 halaga ng mga puslit na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad habang tinutugis ang nakatakas na nagmamay-ari sa isi­na­gawang pagsalakay sa kanyang bahay kahapon sa Cagayan  de Oro City.

Sa report ng Police Regional Office of Northern Mindanao (PRO-10) nakilala ang suspek na si Vhan Maddun Tammany, residente ng Zone 3, Brgy. Bulua ng naturang lungsod.

Napag-alamang nakatanggap ng impormasyon­ ang Regional Special Operations Unit (RSOU) 10 hinggil sa pagbebenta ng suspek ng iba’t ibang klaseng puslit na sigarilyo.

Agad na nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad at nang magpositibo ay isinagawa ang ope­rasyon.

Sa gitna ng transaksyon, nakabili ang operatiba ng mga sigarilyo sa halagang P4,000 subalit nakatunog ang suspek at pumasok sa kanyang bahay.

Laking gulat naman ng mga pulis nang hindi makita sa bahay ang suspek at nadiskubreng may lagusan sa isang kuwarto na imbakan ng mga puslit na sigarilyo.

Narekober ng mga pulis sa lugar ang Black Menthol, Red Blend, San Diego, Berlin, at Fort cigarettes.

Itinurn-over naman ang mga ebidensyang nasamsam sa Regional Investigation Division of the Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue Region No. 16.

Show comments