Pasahe sa PUVs sa Bataan, hindi pa tumaas

Ayon sa ilang tsuper ng pampasaherong dyip, halagang P26 pa rin ang kanilang sinisi­ngil sa bawat pasahero sa rutang Balanga City hanggang sa bayan ng Orani.
Michael Varcas

BALANGA, Bataan, Philippines — Hindi pa umano nagtaas ng singil sa pasahe ang mga tsuper ng pampasaherong dyip at bus sa Bataan matapos aprubahan ang dagdag-singil dahil wala pa umano silang nakukuhang fare matrix mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ayon sa ilang tsuper ng pampasaherong dyip, halagang P26 pa rin ang kanilang sinisi­ngil sa bawat pasahero sa rutang Balanga City hanggang sa bayan ng Orani.

“Hindi pa kami nagtataas kasi wala pang bagong taripa at hinihintay pa namin, at hindi ko alam kung magkano ang itataas pero kung ano ang nakalagay sa taripa ay iyon ang aming susundin. Malaking bagay ang pagtaas ng pamasahe sa amin,” ayon sa tsuper na si Ferdinand Pascual.

Sa pampasaherong bus ay nananatili ring P75 kada pasahero ang kanilang sinisi­ngil mula Balanga City hanggang Mariveles town. Gayundin ang singilan sa ruta ng Ba­langa City–Olongapo City na nanatili sa P95 sa ordinary bus habang P100 naman sa mga airconditioned bus.

Sakali umanong ma­tanggap nila ang taripa ay kanila na itong susundin upang maski papaano ay makabawi sila sa naluging mga biyahe dulot ng pandemic.    

Show comments