Terrorist bomb expert bulagta sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Nasa heigthened alert ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa buong South Central Mindanao laban sa posibleng resbak ng grupong Dawlah Islamiah matapos na mapatay ang isa nilang miyembro at mahuli ang isa sa engkuwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Kinilala ni Col. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade, Philippine Army ang napatay na si Khamhed Akam Kambal,alyas Mheds na bomber at bomb expert ng Daulah Islamiyah Hassan Group.
Nahuli naman ang kasama ni Kambal na si Nasrudin Sali Blah, 22, at residente ng Barangay Tuayan, Ampatuan, Maguindanao.
Ayon kay Pangcog, nagresponde ang Joint Task Force Central makaraang makatanggap ng sumbong mula sa mga sibilyan hinggil sa presensiya ng mga armadong grupo na pinamumunuan umano ng isang alyas Alpha King sa Brgy. Dicalungan, Ampatuan, Maguindanao.
Subalit, papasok pa lang ang tropa ng militar sa kuta ng mga terorista ay agad umano silang pinaputukan ng grupo ni Kumander Alpha King.
Napilitang gumanti ng putok ang militar at tumagal ang engkuwentro ng halos isang oras at napatay ang suspek.
Mabilis na tumakas ang grupo ni Alpha King at iniwan ang bangkay ni Kambal habang nahuli ang kanyang kasama.
Narekober naman sa kuta ng mga terorista ang dalawang improvised explosive devices (IED) mga sangkap sa paggawa ng bomba, isang kalibre .45 na pistola, mga propaganda materials at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.
- Latest