5 bangkay ng terorista, nahukay sa Isabela

MANILA, Philippines — Lima pang bangkay ng mga miyembro Communist Terrorist Group (CTGs) ang nahukay ng tropa ng 95th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Brgy. Canadam, Maconacon, Isabela, ayon sa report kahapon.

Ang mga nahukay na bangkay ay kinilalang sina alyas “Rigid/Mawin”, commanding officer ng Front Operation Command (FOC); alyas “Brad/Airus”, vice commanding officer ng FOC; alyas “Dondon”, vice squad leader ng Squad Uno; alyas “Monmon”, mi­yembro ng Squad Uno at isang alyas “Bambo”, miyembro ng Squad Dos ng Komite Probinsya ­Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Ayon kay Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., commander ng 95IB, sa tulong ng mga dating tauhan ng mga nada­kip na nagbalik loob sa pamahalaan ang nagbigay ng impormasyon sa 502nd Infantry Brigade kung kaya’t agad kumilos ang kanyang mga tauhan para tuntunin ang pinagbaonan sa mga ito.

Magugunita na ­unang nahukay noong Hulyo 3 ang mga bangkay nina alyas Eloy, 1st Deputy Secretary, alyas Bryan, at alyas Marco, kapwa mga miyembro ng Squad Dos.

Sa rebelasyon ng mga dating rebelde, ang kanilang mga dating kasamahan ay namatay dahil sa hidwaan ukol sa pamumuno sa kanilang organisasyon at hindi pagkakasundo kaya nagawa nilang magpatayan.

Nagpahayag naman si Brig. Gen. Danilo D Benavides, Brigade Commander ng 502nd Brigade na mas paiigtingin pa ng kanilang hanay ang isinasagawang opensiba laban sa mga natitirang miyembro ng teroristang grupo.

Show comments